2-day ‘menstrual leave’ isinulong
MANILA, Philippines — Isinusulong ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na mabigyan ng menstrual leave na maximum na dalawang araw kada buwan na may 100% na kabayaran sa kanilang mga suweldo ang lahat ng mga babaeng empleyado sa pribado at pampublikong sektor.
Ang House Bill (HB) 7758 o ang “Menstruation Leave Act “ ay inihain ni Brosas sa Kamara nitong Miyerkules.
Sinabi ni Brosas na ang nasabing panukalang batas ay naglalayong mapagkalooban ng kakayahang umangkop at suportahan ang ‘reproductive health’ ng mga kababaihan na hindi dapat mangamba sa negatibong maaring idulot nito tulad ng mabawasan ng suweldo, bumagsak ang performance sa trabaho at maharap sa disciplinary action.
Isinasaad sa panukala na ang mga kababaihan ay nakakaranas ng premenstrual o menstrual na tensiyon kada buwan partikular na ang mga may dysmenorrhea.
Gayunman, exempted naman sa ilalim ng HB 7758 ang mga buntis at mga babaeng nasa ‘menopausal stage”.
“The immediate passage of this bill is earnestly being sought,” ani Brosas.
Tinukoy ni Brosas na ang menstrual leave ay inintrodyus sa Japan, South Korea, Taiwan, Indonesia at Spain.
- Latest