2-araw na 'paid menstrual leave' sa manggagawa inihain sa Kamara
MANILA, Philippines — Mahirap at masakit ang pinagdaraanan ng mga babaeng dinadalaw ng regla buwan-buwan na siyang nakaaapekto sa kanilang mga kailangang gawin — dahilan para ipanukala ng Gabriela Women's Party sa Kamara na bigyan sila ng dalawang araw kada buwan kung kailan maaaring lumiban nang bayad sa trabaho.
Sa House Bill 7758 ni Rep. Arlene Brosas (Gabriela) na inihain ngayong Miyerkules, idiniin nilang nasa 45-95% ng kababaihan ang nagdurusa sa primary dysmenorrhea o "painful menstruation."
Sinasabing ang mga pasyenteng may menstruation-related symptoms ay nakakukuha ng mas mabababang puntos sa ilang aspeto ng quality of life gaya ng general health, physical, mental, social at occupational functioning tuwing "meron."
"Dysmenorrhea is often poorly treated and ignored by health professionals, pain researchers, and even women themselves, who may accept it as a normall part of menstruation," ayon kay Brosas sa kanyang explanatory note kanina.
"However, the painful and often unbearable symptoms of menstruation create considerable burdens on women and their families, such as over-the-counter medication."
Sa isang survey na inilabas ng BMJ Open, nagdudulot din ang MRS ng matinding pagkawala ng productivity. Kung tutuusin, mas malaking contributor pa raw rito ang "presenteeism" kaysa absenteeism.
Mas pipiliin din daw ng mga babaeng manggagawang pumasok sa trabaho kahit na namimilipit sa sakit kaysa mabawasan ng sahod dahil sa pagliban.
Kasalukuyang ipinatutupad ang kaparehong progresibong batas sa iba't ibang bansa sa mundo gaya na lang ng Japan, South Korea, Taiwan at Indonesia.
"Last February 16, 2023, Spain became the first European country to provide workers with three days paid menstrual a month with the option of extending it to five days," dagdag pa ni Brosas.
LGUs na may kahalintulad na executive order, ordinansa
Hindi lang ang mga naturang bansa nagpapatupad ng kahalintulad na panuntunan — kahit na ang ilang local government units sa Pilipinas, ginagawa na ito.
Oktubre 2023 lang nang pirmahan ni La Union Gov. Raphaelle Veronica Ortega-David ang Executive Order 25 na nagpapahintulot sa mga empleyado ng provincial government na mag-avail ng menstruation day priviledge para makapagtrabaho ng hanggang dalawang araw sa bahay basta't may regla.
Disyembre 2022 nman nang ipasa ng bayan ng Tangalan, Aklan ang "Menstruation Day Work-From Home Privilege Ordinance," na siyang nagbibigay kapangyarihan din sa mga babaeng empleyado ng LGU na mag-work from home ng hanggang dalawang araw tuwing monthly period.
"As many local government units in the Philippines lead the implementation of such pro-women legislation, the national government must also pass a law to institutionalize menstrual leave with [100%] dailuy remuneration to all female employees in the private and public sectors," sabi pa ng Gabriela leader.
"In sum, there is a need to provide women with the flexibility and support they need to manage their reproductive health without the fear of negative consequences such as losing pay, falling behind in work, or facing disciplinary action."
P100,000 multa, hanggang 6 buwang kulong sa lalabag
Lahat ng babaeng empleyado ay sasaklawin ng naturang panukala kung sakaling maipatupad bilang batas, maliban na lang para sa mga buntis at menopausal na kababaihan. Merong hiwalay na batas para sa "paid maternity leave" sa buntis.
Hindi naiipon ang naturang leave at hindi rin maaaring i-convert para maging pera.
sinumang lalabag sa mga nasabing probisyon ng panukala ay maaaring pagmultahin ng hanggang P100,000, o 'di kaya'y makulong ng hindi bababa sa 30 araw o hanggang anim na buwan.
- Latest