55 pasyente, patay sa rabies ngayong 2023
MANILA, Philippines — Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng 55 kaso ng rabies na pawang nagresulta sa pagkamatay ng lahat ng pasyente, ngayong 2023.
Sinabi ni DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman na ang naturang bilang ay mas mataas ng 8 porsyento kumpara sa 51 kaso na naitala noong 2022 sa parehong period.
“Rabies is almost 100% fatal and all of these 55 cases that I am talking about in 2023 are all deaths,” saad ni De Guzman sa DOH Kapihan Forum.
Pinakamaraming kasong naitala sa Region 3 na may 11, kasundo ang Calabarzon na may siyam, lima naman sa Region 5, habang may tig-apat na kaso ang Regions 10 at 11.
Karamihan sa mga pasyente na tinatamaan ng rabies ay nasa pagitan ng edad 20 hanggang 59 taong gulang, habang 72% sa mga biktima ay mga lalaki.
Nasa 93% ng kaso ng rabies ay buhat sa aso. Naipapasa ang rabies karaniwan sa kagat habang ang ilang kaso ay mula sa kalmot ng infected na hayop tulad ng aso o pusa.
Nang tanungin kung nakakaalarma ang bilang, sinabi ni De Guzman na ang pagtaas ng bilang ng kaso ay marahil resulta ng paghusay ng surveillance o pagsubaybay nila ngayon sa buong bansa, matapos na matuon ang atensyon ng gobyerno sa COVID-19.
- Latest