Nawawalang Cessna sa Isabela, nahanap na; 6 sakay, patay
MANILA, Philippines — Matapos ang mahigit isang buwang paghahanap, natagpuan na ang nawawalang Cessna aircraft sa Isabela.
Nabatid kay Atty. Constante Foronda, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), dakong alas-11:20 ng umaga kahapon nang matagpuan ng mga rescuers ang wreckage sa bundok ng Sierra Madre sa Brgy. Ditarum, Divilican, Isabela. Natagpuan ang wreckage ng eroplano sa loob ng 20 kilometer radius mula sa Maconacon cellsite na isang site delta sa paghahanap sa eroplano.
Ang mga bangkay ay nakita malapit din sa pinagbagsakan ng eroplano. Isa sa mga biktima ay naghiwa-hiwalay ang katawan. Inaasahang maibababa ang mga labi sa loob ng tatlong araw.
Kailangan munang ma-secure ang Cessna plane habang isinasagawa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng pagbagsak.
Nitong Enero 24, tumulak ang Cessna C206 plane RPC 1174 patungong Cauayan Airport sa Isabela papunta sa bayan ng Maconacon. Sakay ng light aircraft ang isang piloto at limang pasahero. Lalapag sana ang eroplano sa Maconacon ng alas-2:45 ng hapon.
Inihayag ng Isabela PDRRMO na maganda ang panahon nang lumipad ang eroplano patungong Cauayan Airport, subalit naging ‘turbulent’ ang hangin sa Sierra Madre na hangin na posibleng naging dahilan ng pagbagsak ng Cessna plane. - Victor Martin
- Latest