DOH: Higit 50-M vaccine doses vs COVID-19 'panis na' ngayong Marso 2023
MANILA, Philippines — Aabot sa nasa 50 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang posibleng mapanis sa pagtatapos ng Marso 2023, pagkukumpirma ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa Senado sa darating na araw.
Ito ang sinabi ni Vergeire sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee matapos matanong ni Sen. Francis Tolentino kaugnay ng mga gamot kontra sa nakamamatay na sakit.
"So the number of doses pending, that will expire would probably total additional 6.74 million doses, madam secretary, do you confirm this? For a total of 50.74 [million] wasted vaccines, is that a correct addition?" wika ni Tolentino.
"I confirm that this would be the amount if we already include those to expire until the end of March this year," sagot ni Vergeire sa senador.
DOH Usec Vergeire confirms that Covid-19 vaccine wastage may reach up to more than 50million doses. From current 44million expired doses, there are still 6.74million doses set to expire by March-May 2023. Covid vaccination rate still low in rural areas. @News5PH @onenewsph
— marie ann los banos (@maeannelosbanos) March 9, 2023
Sinasabing nasa mahigit 44 milyong COVID-19 doses na ang nae-expire sa ngayon, maliban pa sa 6.74 milyong nakatakdang mapanis.
Nangyayari ito habang nasa 21.57 milyong booster doses pa lang ang naituturok sa bansa, malayo sa 73.89 milyong nakakumpleto na ng kanilang primary series ng bakuna.
Nananatili rin daw na mababa ang nagpapabakuna ngayon laban sa COVID-19 sa mga probinsya habang tinatanggal na ang karamihan sa mga restrictions laban sa sakit.
Posibleng tumaas pa raw ang bilang ng mga masasayang na gamot sa mga darating na buwan.
"That might happen but for now, based on the inventories, the succeeding expiry dates of the vaccines would already be in September 2023," wika pa ni Vergeire.
Tinatayang nasa 6.9 milyong bakuna pa ang siyang naka-"quarantine" sa ngayon habang inaantay ng mga gumagawa ng gamot ang Food and Drug Administration na payagang palawigin ang kanilang self life.
Dahil sa vaccine hessitancy, hindi raw malayong umabot pa ang wastage sa hanggang 60 milyon.
"We are doing all things possible now so that we can intervene and we can ramp up again the vaccination," dagdag pa ni Vergeire.
Matatandaang ika-31 ng Disyembre nang mag-expire ang state of calamity sa Pilipinas kaugnay ng COVID-19, bagay na nagpapahintulot ng mga measures upang sugpuin ang pandemya. Gayunpaman, wala pa naman daw plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin ito habang kumakalma ang bilang ng infections.
Dahil dito, sinasabing wala nang emergency use authorization ang mga bakuna na siyang nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na bumili uli ng bakuna.
Aabot na sa 4.07 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 ngayon sa Pilipinas simula nang makapasok ito sa bansa noong 2020. Sa bilang na 'yan, aktibo pa ang nasa 8,943 habang patay naman na ang 66,176. — may mga ulat mula sa News5
- Latest