Romualdez, aprub sa bodycam ng airport security
MANILA, Philippines — Aprubado kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsusuot ng body cameras ng mga tauhan ng Office of the Transportation Security (OTS) na nag-i-screen ng mga bagahe ng mga paalis na mga pasahero sa mga airport.
Ito ang iminungkahi ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Secretary Jaime Bautista sa pulong na ipinatawag ni Speaker Romualdez dahil sa magkasunod na insidente ng pagnanakaw at pangingikil sa ilang paalis na mga foreigners sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan ng mga tauhan ng OTS.
Ang OTS ay nasa ilalim ng pamamahala ng DOTr.
Ayon kay Romualdez, “hindi natin pahihintulutan itong nakakahiyang pangyayari diyan sa NAIA na tataboy sa mga turista sa ating napakagandang bansa.”
“Subalit, aminado naman ang OTS na may problema nga sa kanilang mga tauhan at kailangang agad itong maresolba,” ani Speaker Romualdez.
Dagdag pa niya, “ kaya ako’y sang-ayon sa kanilang proposal na pagsuotin ng mga bodycams ang kanilang mga tauhan para ma-monitor constantly ang kanilang mga galaw habang nasa kani-kanilang pwesto.”
Wala naman daw problema sa pagbili ng mga bodycams at may pondo namang ilalaan para dito, ayon kay House Appropriations Chairman Cong. Elizaldy Co.
At para masiguro na wala ng hokus pokus na mangyayari sa mga airport, iminungkahi rin ni House Speaker Romualdez kung maaaring maglagay na rin sa mga Xray areas ng mga Coast Guard personnel.
- Latest