Romualdez sa PNP: ‘Wag puro pangako, resulta ang kailangan’!
“Huwag puro pangako!”
MANILA, Philippines — Ito ang tila hamon ni House Speaker Martin Romualdez kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. matapos ang madugong pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa loob mismo ng kanyang bakuran, at sa harapan pa ng maraming tao.
Ayon kay Romualdez, ang mga pagpatay ay nangyayari in ‘broad daylight’ at malinaw na insulto sa kakayahan ng PNP.
Ayon kay Speaker Romualdez, dapat nang matigil ang mga sunud-sunod na mga high profile crimes sa bansa upang maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.
Aniya, kailangan ang aksiyon at hindi puro pangako.
Sinabi ni Romualdez na kailangan nang magdoble ng kilos ang PNP at ipakita sa publiko na kaya nilang magbigay ng proteksiyon at nananatili ang kanilng tiwala.
Magugunita na pinagbabaril ng armadong kalalakihan si Degamo habang inaasikaso ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa kanilang bayan sa Pamplona.
“This act of violence is reprehensible. This is a direct challenge to the authorities,” ani Romualdez.
Binigyan diin ni Romualdez na tiniyak sa kanya ni Azurin kamakalawa na hindi na masusundan ang pamamaslang kay Aparri Vice Governor Rommel Alameda subalit hindi ito nangyari.
“Kailan lang, siniguro sa akin ng PNP Chief sa meeting namin na gagawin nila ang lahat para matigil ang mga patayan na nangyayari sa ating bansa. I hold him to his word. Tulad ng mga kababayan natin, ayaw kong mawalan ng tiwala sa ating kapulisan,” sabi ni Romualdez.
Gayunman, naniniwala si Romualdez na gagawin ng PNP ang mga dapat gawin upang matuldukan na ang patayan sa bansa.
- Latest