Mahigit P1.6 milyon nakataya sa pagbabalik ng PAGCOR nationwide photography contest
MANILA, Philippines — Makalipas ang anim na taon, muling ibinabalik ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nationwide photography contest nito para sa amateur at professional photographers kung saan mas malaki ang nakatayang papremyo.
May temang “Sa’n Tayo Next?” ang PAGCOR Photography Contest 2023 na naglalayong itampok ang mga hindi pa gaanong natutuklasan ngunit magagandang lugar sa bansa na may potensyal na makaakit ng mga turista.
Pormal nang nagsumula ang photography contest noong ika-15 ng Pebrero.
Ayon kay PAGCOR Assistant Vice President for Corporate Communications Carmelita Valdez, muling bibigyan ng ahensya ng pagkakataon ang mga baguhan at batikang litratista na maipakita ang ganda ng Pilipinas at manalo ng malalaking papremyo.
“Mamimigay kami ng kabuuang P1.6 milyong papremyo sa mga mananalo at grand finalists kaya’t umaasa kaming makahikayat ng mga partisipante mula sa mga nakalipas naming photography competitions at maging ng mga baguhan na naghahanap ng medium para maipakita ang mga imaheng kuha ng kanilang mga kamera at pinakabagong mobile devices. Ang event na ito ay magbibigay-pugay rin sa talento ng mga litratistang Pinoy habang humihikayat ng mas maraming lokal at dayuhang turista na tuklasin ang mga hindi pa napupuntahang mga lugar sa ating bansa,” pahayag nito.
Paliwanag pa ni Valdez, ang tema ng patimpalak na: “Sa’n Tayo Next?” ay ang pangkaraniwang tanong ng mga turista at biyahero kasunod ng magandang karananasan sa lugar na kanilang napasyalan.
“Ang kasabikang hatid ng paglalakbay ay nagbubunsod sa kanilang magplano agad para sa susunod na biyahe. Nawa’y makatulong ang photo contest na ito upang mapasigla ang sektor ng turismo na marahan nang nakakabawi mula sa epekto ng pandemya,” dagdag nito.
Ang PAGCOR Photography Contest 2023 ay may dalawang kategorya—ang Conventional Category (mga larawang kuha gamit ang lahat ng uri ng traditional o conventional cameras gaya ng Single Lens Reflex o Digital SLR, compact cameras at mga kahalintulad nito), at Mobile Category (mga larawang kuha gamit ang apps sa lahat ng uri ng mobile devices tulad ng smartphones, tablets, drone-mounted cameras at action cameras).
Itinakda ang deadline ng pagsusumite ng mga entries sa July 31. Ang mga nagnanais lumahok dito ay kinakailangang may edad 18 taon-pataas. Maaaring magsumite ng hanggang dalawang entries sa ilalim ng isang kategorya o tig-isang entry sa bawat kategorya.
Labindalawang grand winners ang pipiliin para sa Conventional Category na ang bawat isa’y makakatanggap ng P80,000, habang ang 12 grand winners naman sa Mobile Category ay mag-uuwi ng P35,000 bawat isa.
Makakakuha naman ang 16 na hindi papalaring grand finalists ng consolation prizes (P25,000 para sa conventional at P10,000 para sa mobile category). May nakalaan ding special cash prize na P10,000 para sa tatanghaling “Most Liked Photo” sa bawat kategorya.
Ito ang ikalimang pagkakataon na magsasagawa ang PAGCOR ng nationwide photography contest nito matapos na unang idaos ang patimpalak noong 2013.
Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa PAGCOR Photography Contest 2023, bisitahin lamang ang www.pagcor.ph o i-follow ang PAGCOR Facebook page na www.facebook.com/pagcor.ph.
- Latest