Unang XBB.1.5 case sa Pinas, walang travel history
MANILA, Philippines — Natuklasan ng Department of Health (DOH) na walang “travel history” ang kauna-unahang kaso ng Omicron subvariant XBB.1.5 kaya ikinokonsidera itong lokal na kaso.
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na nakarekober na ang pasyente na dumanas lamang ng mga mild symptoms ng sakit.
“Itong XBB.1.5 is a Filipino. Local siya na detection. There were no histories of any type of travel. Unknown ‘yung kanyang exposure,” saad ni Vergeire.
Natukoy na rin naman ng DOH ang mga close contacts ng pasyente na pawang mga walang sintomas.
Matatandaan na nakolekta ang sample ng pasyente noon pang Enero 9 kaya sa ngayon ay tapos na rin ang panahon na iku-quarantine ang kaniyang mga close contacts.
Kinikilala ngayon na “Kraken”, itinuturing ngayon na pinaka-nakakahawa na Omicron subvariant ang XBB.1.5.
Natukoy ang variant na ito sa 59 mga bansa sa mundo at pinaniniwalaan naman ng US Centers for Disease Control and Prevention na siyang dahilan ng 66.4% ng mga kaso sa Estados Unidos mula Enero 29 hanggang Pebrero 4.
- Latest