Bicol University, kahilera na ng University of California-Berkeley
MANILA, Philippines — Pasado na sa Kamara ang panukalang itatag ang ‘Bicol Innovation, Research, and Technology Hub (BIRTH)’ at mga pasilidad nito sa Bicol University (BU) – East Campus sa Legazpi City, Albay.
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee’ at pangunahing may akda ng House Bill 1302, ang BU ay magiging gaya ng University of California (UC) system sa Bicol, at “magiging katumbas ng ‘UC-Berkeley ang sistema nito, kaya napakahalaga ang programa at balangkas sa pagsulong nito,” giit niya.
Paliwanag niya, ang HB 1302 ay kaugnay sa pananaw ng BU na maging ‘world class university’ na “humuhubog sa malikhaing mga lider na nagsusulong ng makabuluhang pag-unlad ng lipunan kaya kailangan nitong pasimulan at isulong ang tamang balangkas na tutugon sa mga pangangailangan nito.”
“Kailangan ng bawat ekonomiyang industriyal ang isang Sentro kung saan isusulong ang paglikha ng mga mahahalagang kaalaman sa lipunan at industriya. Iyan ang magiging papel ng BU East, na napakamahalaga ang maitutulong sa pagpagpapaunlad ng Bicol bilang isang ‘advanced regional economy’ mula sa agrikultura nitong ugat,”dagdag niya.
- Latest