Grupo kinastigo 'inaction' ng Ombudsman sa 3-taong red-tagging complaint
MANILA, Philippines (Updated 5:23 p.m.) — Hinamon ng IBON Foundation ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang Office of the Ombudsman na gumawa ng mga "tunay" na hakbang laban sa red-tagging matapos umabot sa tatlong taon ang kanilang paghihintay sa aksyon sa reklamong administrative laban sa ilang dating opisyal ng gobyerno.
Ika-10 ng Pebrero 2020 pa kasi nang ihain ng IBON ang unang red-tagging case sa naturang tanggapan laban kay dating mga opisyales ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sina Lorraine Badoy, retired Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. at ex-National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.
"Because it has dragged its feet, the malicious and baseless vilification of IBON has continued for years even after these officials left their government positions," banggit ng grupo sa isang pahayag, Biyernes.
"Three years later, the Ombudsman has basically not done anything despite repeated follow-up by IBON and its legal counsel on the status of the case."
Matatandaang inihain ang reklamo matapos ang sunud-sunod na pag-uugnay ng dating NTF-ELCAC officials sa naturang grupo sa rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People's Army, kahit na ligal naman silang research organization na hindi nag-aarmas.
Imbestigasyon ng NBI?
Sa ngayon, dalawang beses pa lang daw tumugon ang Ombudsman noong Hulyo 2021 at Marso 2022 habang ipinaliliwanag na "nasa evaluation stage" pa ito.
Pagsapit ng Agosto 2022, nagbago na raw ang tugon ng opisina nang sabihing ni-refer na ang kaso sa National Bureau of Investigation.
Gayunpaman, hindi raw ito tinitignan ng grupo bilang "progress" sa pagpapalagay na ginawa lang daw ito para ipakitang "may nangyari."
Nakokompromiso raw kasi ang kaso oras na i-refer ang isang administrative complaint sa isang criminal investigation unit gaya ng NBI, lalo na't makagagawa lang daw ng aksyon ang bureau kung naghain ng kasong kriminal o libel laban sa mga respondents.
Tutol din kasi ang IBON sa criminalization ng libel bilang "misuse" ng judicial system na nakasisikil daw sa kalayaan sa pamamahayag.
"[The Ombudsman] could have at least subpoenaed or ordered the respondents to answer the petition. Instead, it sat on its hands and let the case idle until Pres. Duterte’s term ended and the red-tagging officials were no longer under government employ," dagdag pa ng grupo.
"Badoy, for instance, is now using her show on the Sonshine Media Network International (SMNI) to sustain her red-tagging antics against IBON and other organizations."
Una nang dumistansya ang Malacañang sa reklamo habang ibinibigay sa tanggapan ng Ombudsman ang bola. Aniya, dapat na lang daw hayaan ang natural na paggulong ng proseso nito habang ipinagpapalagay na inosente ang mga akusado.
"IBON gave consideration for the lockdowns being imposed soon after the case was filed but said that the pandemic is no longer a valid excuse after so long," dagdag pa ng IBON.
Humihingi pa ang Philstar.com ng komento mula kay Ombudsman Samuel Martires ngunit hindi pa rin siya sumasagot dito hanggang sa ngayon.
Setyembre 2022 lang nang ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 19 ang petisyon para opisyal na ideklarang iligal at terorista ang grupo, sa ilalim ng Human Security Act of 2007, na siyang repealed na ngayon.
Samantalan, binansagan nang "terorista" ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang CPP-NPA sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020.
- Latest