Bagong gradweyt, bigyan ng P5K cash aid – Villar
MANILA, Philippines — Bilang suporta sa paghahanap ng trabaho, isinusulong ni Las Piñas City Rep. Camille Villar na bigyan ng one–time cash aid subsidy na P5,000 ang mga bagong gradweyt na estudyante sa bansa.
Nakasaad sa House Bill (HB) 6542 o ang Fresh Graduates P5,000 One –Time Cash Grant Act ni Villar na mabigyan ng pinansyal na ayuda ang lahat ng mga “fresh graduates” sa mga Philippine tertiary institutions, kolehiyo, unibersidad at maging sa mga iba pang institusyon ng pagsasanay.
Nilalayon ng panukala ni Villar na mabigyan ng inisyal na panggastos ang mga bagong gradweyt na nahihirapan sa pag-a-apply ng trabaho dahil sa kawalan ng sapat na pondo.
Gayundin, sobrang mahal ng mga bilihin at hirap sa badyet ang mga bagong gradweyt lalo na ang mula sa pamilya ng mga maralita.
Sakaling mapagtibay bilang batas, ang lahat ng nais mag-avail ng cash aid ay maaaring magtungo sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at magpakita ng kopya ng diploma o kahit na anong lehitimong pruweba ng kanilang graduation na inisyu ng kanilang pinanggalingang mga educational institutions.
- Latest