ICC payag ituloy imbestigasyon sa madugong Duterte 'drug war'
MANILA, Philippines — Pinayagan ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court ang hiling ng kanilang prosecutor na ituloy ang imbestigasyon sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas, kabilang dito ang alegasyon ng crimes against humanity sa madugong "war on drugs".
Matatandaang sinuspindi ng ICC ang probe noong Nobyembre 2021 matapos itong hilingin ng Maynila, sa dahilang nagsasagawa naman daw ito ng sariling imbestigasyon pagdating sa mga anomalya at kawalan ng due process sa "war on drugs" killings.
"Following a careful analysis of the materials provided by the Philippines, the Chamber is not satisfied that the Philippines is undertaking relevant investigations that would warrant a deferral of the Court’s investigations on the basis of the complementarity principle," wika ng ICC sa isang pahayag, Huwebes (oras sa Netherlands).
"After having examined the submissions and materials of the Philippines Government, and of the ICC Prosecutor, as well as the victims’ observations, the Chamber concluded that the various domestic initiatives and proceedings, assessed collectively, do not amount to tangible, concrete and progressive investigative steps in a way that would sufficiently mirror the Court’s investigation."
Bagama't madalas madiin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa human rights abuses at pagpatay diumano sa mga inosente't hindi nanlalaban, sakop ng naturang imbestigasyon ang mga nangyari sa Pilipinas simula ika-1 ng Nobyembre 2011 hanggang ika-16 ng Marso 2019. Sakop din ng imbestigasyon ang mga pagpatay sa Davao City mula 2011 hanggang 2016, noong si Duterte ang nagsilbing mayor ng naturang lugar.
Matatandaang kinwestyon ng Duterte administration ang naturang probe lalo na't kumalas ang Pilipinas sa ICC noong Marso 2019, dahilan para igiit nila na wala na ito sa kanilang jurisdiction. Sa kabila nito, pwede pa rin imbestigahan ang mga violations sa Pilipinas bago ito mag-withdraw sa Rome Statue.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang intensyon ang bagong administrasyon na muling sumapi sa ICC. Kilalang ama ng kanyang runningmate at Bise Presidente Sara Duterte si Digong.
EJKs, inosenteng pinatay sa ilalim ni Duterte
Libo-libo na ang namatay sa gera kontra droga simula nang maupo si Duterte sa pwesto noong 2016, ngunit iba-iba ang datos dito.
Nasa 6,252 ito sabi ng Philippine Drug Enforcement Agency habang itinataya ito ng ilang human rights groups sa mahigit 30,000, lalo na kung isasama ang extrajudicial killings at mga gawa ng vigilante groups na umakto raw sa utos ni Digong.
Nobyembre 2018 nang mahatulang guilty ng Caloocan Regional Trial Court ang tatlong pulis pagdating sa murder ng 17-anyos na si Kian delos Santos, kahit walang armas at hindi nanlaban ang huli.
Guilty rin ang isang pulis para sa torture at pagtatanim ng ebidensya sa teenagers na sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman, bagay na nangyari noong Agosto 2017, na parehong panahon kung kailan napatay si Delos Santos.
- Latest