Pag-angkat ng sibuyas, aprub na - DA
MANILA, Philippines — Tuloy na ang pag-aangkat ng Pilipinas ng sibuyas.
Ito ang sinabi ni Agriculture spokesman Rex Estoperez makaraang aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang importasyon ng 21,060 metrikong tonelada ng sibuyas.
Sinabi ni Estoperez na nilagdaan na ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang importasyon ng fresh yellow and red onion.
Nasa 3,960 metrikong tonelada ng fresh yellow onion at 17,100 metrikong tonelada ng fresh red onion ang aangkatin.
Ayon kay Estoperez, kinakailangang siguraduhin ng mga importers na makararating sa bansa ang mga aangkating sibuyas ng hanggang Enero 27.
Hindi aniya dapat na lumagpas sa Enero 27 ang mga imported na sibuyas dahil kinakailangan na masigurong mabibigyang proteksyon ang mga lokal na magsasaka ng sibuyas.
Sa kalagitnaan ng Pebrero hanggang sa buwan ng Mayo inaasahang papalo ang peak ng pag-aani ng sibuyas ng mga magsasaka sa bansa.
Umaasa si Estoperez na kapag naging sapat na ang suplay ng sibuyas sa bansa, babalik sa P150 hanggang P200 ang kilo ng sibuyas gaya nang naitala noong Setyembre. — Malou Escudero
- Latest