Sa nag-aakusang bumalik na ang ‘ninja cops’, ‘name names’ - Azurin
MANILA, Philippines — “Name names.”
Ito ang hamon ni Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. sa mga nag-aakusa na bumalik na ‘ ninja cops’.
Ayon kay Azurin, ‘unfair’ ang isyu sa mga pulis na matitino, lalo na sa organisasyon ng PNP.
Kung sinsero ang mga ito na tulungan ang PNP, mas makabubuti kung tutukuyin ang mga senior police officers at ninja cops upang agad na maisalang sa imbestigasyon.
Ani Azurin, ang kanyang hamon ay upang maiwasan na maulit ang insidente kung saan limang heneral ang idinawit sa illegal drugs at hindi nabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag at ipagtanggol ang kanilang sarili.
Malaki ang naging epekto nito sa mga heneral sa kanilang trabaho at pamilya.
Hindi rin naitago ni Azu-rin ang kanyang pagkadismaya sa mga nag-aakusa na moro-moro lamang ang kanilang kampanya laban sa illegal drug trade. Sinabi ni Azurin, na ginawa ng PNP ang lahat upang masugpo ang illegal drug trade.
Miyerkules nang magulantang ang PNP sa panawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos ng courtesy resignation ng lahat ng 3rd level officers o full colonels at mga heneral bunsod ng muling pamamayagpag ng ninja cops o mga pulis na nagre-recycle ng mga nakumpiskang iligal na droga sa mga police operations.Nakapaghain na rin ng courtesy resignation si Azurin at iba pang opisyal bilang pagtalima sa apela ni Abalos.
- Latest