DOTr, CAAP walang obligasyon na i-compensate mga pasahero sa NAIA shutdown – Sec. Bautista
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na walang contractual obligation ang DOTr at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bigyan ng kumpensasyon o refund ang mga pasaherong apektado ng ilang oras na shutdown sa Philippine airspace na dulot ng aberya sa suplay ng kuryente noong Bagong Taon.
Ang pahayag ay ginawa ni Bautista kasunod na rin ng panawagan ni Albay Rep. Joey Salceda sa pamahalaan, partikular na sa CAAP, na i-compensate ang libu-libong pasahero na hindi nakabiyahe dahil sa power outage sa air traffic management system ng bansa.
Ayon kay Bautista, kailangang pag-aralang mabuti ang legalidad nang pag-compensate sa mga air travelers na naapektuhan ng airspace shutdown.
“Dapat pag-aralan natin ang legality nito ano,” pahayag pa ni Bautista, sa panayam sa radyo.
“Unang una, ‘yung CAAP at saka DOTr wala kaming arrangement with the passengers, ‘di katulad ng airlines. Bumili sila ng ticket, merong obligation ang mga airlines na ilipad sila o i-refund ang kanilang pamasahe,” paliwanag pa niya.
Idinagdag naman ni Bautista na kahit hindi contractually obliged ang pamahalaan na i-compensate ang mga pasahero, maaari aniyang morally obligated naman ang DOTr at CAAP.
“Pero ang legality nito dapat pag-aralan mabuti dahil, ako hindi naman abogado, pero sa pagkakaintindi ko walang contractual obligation between the passengers and DOTr or CAAP,” aniya pa. “Dapat pag-aralan mabuti ng ating mga abogado para ano ba ‘yung dapat maging sagot ng gobyerno.”
- Latest