Ayuda ng DSWD sa mga nasa krisis, suspendido muna!
MANILA, Philippines — Pansamantalang sinuspinde ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paglalabas ng tulong pinansiyal para sa mga indibidwal na nahaharap sa krisis, sa ilalim ng kanilang programang assistance to individual in crisis situation (AICS).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez, na siya ring tagapagsalita ng ahensiya, ito’y habang naghihintay pa sila ng pondo para dito.
Sa isang pulong balitaan, tiniyak din naman ni Lopez na pansamantala lamang ang naturang suspensiyon at kaagad rin nilang ibabalik ang programa sa sandaling mai-download na ang kanilang pondo para sa taong 2023.
Aniya, maaaring magtagal ang suspensiyon ng mula isa hanggang dalawang linggo lamang, na karaniwan naman aniyang nangyayari sa pagsisimula ng taon.
“Yung ating cash assistance sa ilalim ng assistance to individuals in crisis situation o AICS ay pansamantala muna nating sinususpinde habang pinoproseso ‘yung pondo ng DSWD ngayong taon ng 2023,” ayon pa kay Lopez.
Sa ngayon aniya, maaari pa namang magproseso ng assistance ang DSWD doon sa mga kliyente na ang mga service providers ay tumatanggap ng guarantee letters, gaya ng ospital at mga punerarya.
“Sa kabila nito, maaari pa namang magproseso ng assistance ang DSWD doon sa mga kliyente na kung saan ang service provider nila ay halimbawa sa ospital o punerarya ay tumatanggap o kinikilala ang guarantee letter ng DSWD,” dagdag pa niya.
Ang AICS ng DSWD ay nagkakaloob ng financial assistance para sa transportasyon, medikal, paglilibing, pagkain at iba pang support services para sa mga pamilya o indibidwal.
Pagtiyak naman ni Lopez, sa sandaling mailabas ng kanilang pondo ay kaagad nilang ibabalik ang programa.
“Baka nga within the week, ma-download na ito, agaran nating ire-resume, ibabalik, itong pamamahagi ng cash assistance na kinakailangan ng ating mga kababayan,” aniya pa.
Nabatid na ang ahensiya ay mayroong P199.5 bilyong halaga ng budget para sa taong 2023.
- Latest