SIM card registration simula na ngayon
MANILA, Philippines — Handa na ang mga pangunahing telecommunications company para sa pagpapatupad ng subscriber identity module (SIM) Card Registration Act na magsisimula ngayon.
“As relayed to us by the different telcos, they are already ready with their systems come tomorrow and then are ready to accept the registration nationwide starting December 27,” pahayag kahapon ni National Telecommunications Commission (NTC) Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan.
Inamin ng Department of Information and Communications Technology na maaaring magkaroon ng mga problema sa unang dalawang linggo ng SIM registration bagaman at nangako ang mga telecom companies na patuloy nilang pagbubutihin ang kanilang mga proseso.
Ayon kay DITC Undersecretary Anna Mae Lamentillo, magsisilbing test registration ang unang dalawang linggo pero valid pa rin ito kahit pa magkaroon ng kaunting aberya.
Para sa registration concerns, ang mga users ng Smart ay maaaring magrehistro sa https://smart.com.ph/simreg; ang users ng Globe Telecom Inc. ay sa https://new.globe.com.ph/simreg, habang ang users ng DITO Telecommunity Corp. ay maaaring magrehistro sa https://dito.ph/registerDITO.
Sinabi ni Globe Telecom Inc. corporate and legal services group head Ariel Tubayan na maaaring mairehistro agad ang lahat ng kanilang subscribers kahit hindi pa natatapos ang 180-day registration deadline para dito.
“Based on our estimate, it is actually technically possible to finish registration of all 87 million Globe subscribers in less than 5 days, provided that all these subscribers really register on time and very early, and not wait for the last day of registration,” sabi ni Tubayan.
Anya, ang mga users ay maaaring makumpleto ang proseso ng pagrerehistro ng wala pang 5 minuto.
Gayunman, sinabi ni Tubayan na ilan sa posibleng maging problema sa pagpapatupad ng mobile number portability (MNP) kung saan ang users ay pinapayagang imantine ang kanilang mobile numbers kahit may switching networks.
“On the side of DITO, really the big challenge is paano maengganyo ‘yung publiko to register kasi bago ‘to eh, and parang by nature, may kaunting hesitancy ‘yung tao mag-register,” sabi naman ni DITO Telecommunity Corp. chief administrative officer Adel Tamano.
Sinabi ni Tamano na ang mga users ng DITO na nagrehistro ng kanilang SIM cards ay bibigyan nila ng reward na 2 gigabytes ng mobile data oras na makumpleto ang forms.
Anya, handa sila sa pagrerehistro ng SIM cards pero kailangan ang tulong ng publiko para maging matagumpay ito.
Sinabi naman ni PLDT Inc. and Smart Communications Inc. head of group corporate communications Cathy Yang na handa na ang kanilang grupo at sinubukan na nila ang platform at ito ay gumagana naman.
Ang mga telco ay kanya-kanya ring nagsasagawa ng information campaigns para maipaalam sa kanilang users kung paano magrehistro sa kanilang online platforms. — Malou Escudero
- Latest