Taong nahawa ng anthrax, may tsansang mamatay - health expert
MANILA, Philippines — Mataas ang posibilidad na ikasawi ng tao sakaling tamaan ng anthrax.
Sinabi ni Infectious Disease Specialist Rontgene Solante sa panayam ng TeleRadyo nitong Sabado na nakamamatay lalo na ang respiratory type ng anthrax na nauuwi sa malalang uri ng pneumonia.
“It causes a highly invasive type of infection, especially the respiratory type of anthrax which can really kill... because they will develop a more severe form of pneumonia,” ani Solante.
“The risk of mortality is very high, more than 50 percent ang mortality risk niyan,” dagdag niya.
Gayunman, nilinaw niya na bihira naman nangyayari ang human-to-human transmission at karaniwang nagmumula sa hayop na naililipat sa tao.
Nakikita umano sa lupa at sa mga tanim ang bacterial pathogen na “bacillus anthracis” at mga hayop ang karaniwang tinatamaan.
“’Yung mga kumakatay ng kalabaw, mga baka, na hindi maganda ang pagkaalaga kung saan-saan lang pinapakain, can be infected — that’s where the transmission from the animal to human being,” ani Solante.
Kabilang sa mga sintomas nito ang pagkakaroon ng paltos o bukol na nangangati, skin sore sa mukha, leeg, braso at mga kamay, lagnat, chills, pagkahilo, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, sore throat, pamamaga ng leeg o glands, pananakit ng tiyan, pagsusuka, at diarrhea.
Nalulunasan naman ang anthrax sa pag-inom ng antibiotics, ayon sa World Health Organization.
Una nang kinumpirma ng DOH ang mga kaso ng anthrax sa lalawigan ng Cagayan.
- Latest