Bong Go, ikinabahala pagbabalik ng ‘ninja cops’
MANILA, Philippines — Ikinabahala ni Senator Christopher “Bong” Go ang ulat na pagbabalik ng “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa iligal na droga sa bansa.
Kaya naman hinimok ni Go ang pamunuan ng Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government na patuloy na panatilihin ang disiplina sa hanay ng pulisya.
Noong Oktubre ng taong ito, nasakote si M/Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ng PNP Drug Enforcement Group sa isang drug bust at nasamsaman ng P6.7 bilyong halaga ng shabu.
Samantala, sinabi ni Go na sa kabila ng aksyon ng ilang hindi tapat na pulis, mas marami ang mga mapagkakatiwalaang opisyal na gumaganap ng kanilang tungkulin nang may katapatan at integridad.
“Disiplinahin po, mas alam po nila ang kanilang trabaho. Ako naman, naniniwala akong mas maraming pulis na matitino, maaayos magtatrabaho lalung-lalo na po noong panahon ni (dating) Pangulong (Rodrigo) Duterte, talagang disiplinado ang mga pulis,” sabi ni Go.
Kinilala rin ni Go ang papel ng PNP sa pagsugpo sa krimen, iligal na droga at terorismo sa bansa, sa pagsasabing kuntento siya sa kanilang mga nagawa. Kumpiyansa rin siya na magagawa ng institusyon na linisin ang hanay nito at labanan ang katiwalian.
Bago pa man maupo sa Senado, naging instrumento si Go, siyang Special Assistant noon ni Pangulong Duterte, sa pagsusulong ng pagtaas ng suweldo ng lahat ng militar at unipormadong tauhan sa gobyerno.
Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 422 na magbibigay ng libreng legal na tulong sa sinumang opisyal o enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines o PNP na nahaharap sa mga kaso sa piskalya o korte na may kaugnayan sa pagganap sa opisyal na tungkulin.
- Latest