US sa China: Igalang ang International Law
MANILA, Philippines — Sa dumaraming barko sa Phl EEZ Sinuportahan ng gobyerno ng Amerika ang Pilipinas sa panawagan nito sa China na irespeto ang International Law at itigil ang deployment ng mga sasakyang pandagat sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sinabi tagapagsalita ng US Department of State na si Ned Price na ang mga naiulat na dumaraming sasakyang pandagat ng PRC (People’s Republic of China) sa paligid ng Iroquois Reef at Sabina Shoal sa Spratly Islands ay nakakasagabal sa kabuhayan ng mga komunidad ng mga mangingisda sa Pilipinas.
Sinabi rin ni Price na ipinapakita rin nito ang pagwawalang-bahala ng China sa iba pang mga claimant ng South China Sea.
“The reported escalating swarms of PRC (People’s Republic of China) vessels in the vicinity of Iroquois Reef and Sabina Shoal in the Spratly Islands interfere with the livelihoods of Philippine fishing communities, and also reflect continuing disregard for other South China Sea claimants and states lawfully operating in the region,” ani Price.
Inihayag din ni Price na sinusuportahan ng Amerika patuloy na panawagan ng Pilipinas sa PRC na igalang ang internasyonal na batas ng dagat sa South China Sea, na makikita sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang mga legal na obligasyon nito alinsunod sa 2016 arbitral ruling.
Sa ilalim ng UNCLOS kung saan signatories ang Pilipinas at China, ang 200 nautical miles mula sa territorial sea ng isang bansa ay ang exclusive economic zone (EEZ) nito.
Noong Hulyo 2016, ibinasura ng UN Permanent Court of Arbitration sa The Hague, batay sa isang kaso na isinampa ng Pilipinas, ang nine-dash line theory ng China na inaangkin ang kabuuan ng South China Sea.
Sa desisyon ng arbitration court, ang Panganiban (Mischief) Reef, Ayungin (Second Thomas) Shoal at Recto (Reed) Bank ay nasa EEZ ng Pilipinas ayon sa itinatadhana ng UNCLOS.
Tiniyak ni Price na maninindigan ang Amerika sa Pilipinas sa pagtataguyod ng international order at kalayaan sa paglalakbay sa South China Sea na ginagarantiyahan ng international law.
“The United States stands with our ally, the Philippines, in upholding the rules-based international order and freedom of navigation in the South China Sea as guaranteed under international law,” ani Price.
- Latest