Outbreak ng HFMD posibleng ideklara
MANILA, Philippines — Posibleng magdeklara ng outbreak ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) kung mas maraming rehiyon sa bansa ang makapagtatala ng pagtaas ng kaso, ayon sa isang infectious disease expert.
Sinabi ni Dr. Rontgene Solante na nagsimula ang impeksyon ng HFMD noong Oktubre sa San Pascual, Batangas kung saan 105 kaso ang natukoy, na karamihan ay mga bata na edad 1-16.
Noong Nobyembre, may 540 kaso ng HFMD na natukoy sa Albay, na nakakaapekto sa mga 1-10 taong gulang. Sa parehong buwan, 145 kaso rin ang naitala sa Ilocos Region, karamihan edad 4-9.
Sa National Capital Region (NCR), nakapagtala rin ng 155 HFMD cases mula Oktubre hanggang nitong Dis. 6, at karamihan ay edad 11 pababa.
Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes na tumataas ang mga kaso ng HFMD sa Metro Manila, ngunit wala pang deklarasyon ng outbreak para sa naturang sakit.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Solante na ang 155 kaso ng HFMD sa NCR ay hindi pa dahilan para magdeklara ng outbreak.
Paliwanag niya, maaaring ideklara kung ang mga kaso ay kumalat sa mga kalapit na rehiyon at kung ang mga naiulat na kaso ay tumaas sa higit sa 100% kumpara sa datos ng HFMD noong nakaraang taon.
“Pangatlo, ang importante dito ‘yung mga hospital hindi napupuno sa HFMD na mga kaso. Isa din ‘yan sa mga basehan kung kailan tayo magdede-declare ng outbreak,” ani Solante.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na kadalasang nakakaapekto sa mga bata. Kasama sa mga karaniwang sintomas nito ang lagnat, masakit na mga sugat sa bibig, at isang pantal na may mga paltos sa mga kamay, paa at puwet.
Nakukuha aniya, ng mga bata sa paghawak sa mga bagay na kontamindo ng dumi ng mga indibidwal na may taglay ng sakit na ito nang hindi naghuhugas ng kamay, dahil puwede itong kumapit sa kinakain at maari rin sa pag-inom ng tubig.
Maaari ring makakuha ng virus kung sila ay nakakakuha ng contact sa respiratory secretion o mga sugat sa balat ng isang taong nahawaan ng HFMD, idinagdag niya.
Ipinunto rin niya na walang over-the-counter na gamot na maaaring gumamot sa HFMD, maliban sa paracetamol para sa mga may lagnat. Wala ring magagamit na bakuna para sa naturang sakit.
Binigyang-diin ni Solante na ang preventive method laban sa HFMD ay paghuhugas ng kamay.
- Latest