'Matapos ang 2 taon': LRT-1 Roosevelt station binuksang uli
MANILA, Philippines — Muling binuksan sa publiko ang LRT-1 Roosevelt station, Lunes, ito matapos ang lagpas dalawang taong pagpapahinga habang kasagsagan ng COVID-19 lockdowns.
Ika-5 ng Setyembre 2020 kasi nang huling tumanggap ng mga pasahero sa naturang istasyon sa Lungsod ng Quezon upang magbigay daan sa konstruksyon ng gobyerno sa "Unified Grand Central Station."
"Ngayong araw (05 Dec 2022) ay opisyal nang binuksang muli para sa commercial operations ang #LRT1 Roosevelt Station upang makapagbigay serbisyo sa ating mga pasahero," ayon sa pahayag ng Light Rail Manila Corporation kanina.
"Nakatanggap din ng special items ang unang 100 na pasahero na pumasok sa istasyon kaninang 4:30 AM."
Ang Unified Grand Central Station ay sinasabing magkukunekta sa train systems ng LRT-1, MRT-3 at MRT-7 upang maging posible ang "seamless transfer."
Linggo lang nang sabihin ni LRMC Chief Operating Officer Rolando J. Paulino III na "malaking milestone" ang muli nitong pagbubukas lalo na't mahalaga ito para sa mga nakatira sa hilagang bahagi ng Kamaynilaan.
Ang Roosevelt Station ang pinakadulong istasyon ng LRT-1 sa norte na malapit sa ilang shopping places, malls atbp. establisyamento sa kahabaan ng Congressional Ave. at FPJ Ave. (dating Roosevelt Ave.) sa QC. — James Relativo
- Latest