Private sector hinikayat ng DENR na mamuhunan sa climate action
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang pribadong sektor na gumawa ng malaking papel sa paglaban sa climate change.
Sa ginanap na Climate Investment Forum (CIF) 2022 sa Quezon City, sinabi ni Loyzaga na kinakailangang masolusyunan ng private sector ang climate finance sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mas sustainable projects na makatutulong sa carbon footprint ng bansa.
Ayon kay Loyzaga, ang gobyerno ay naglaan na ng kabuuang P453.11 billion para sa implementasyon ng climate change programs at projects sa susunod na taon. Ang halagang ito ay kumakatawan sa 8.6 percent sa P5.268-trillion National Expenditure Program (NEP) para sa 2023.
“However, more investments are still needed if we are to make transformative strides to achieve climate-resilient development,” paliwanag ni Loyzaga.
Binigyang-diin din nito na ang public at private sector ay kapwa mayroong kritikal na oportunidad na mamuhunan sa resilience na hindi lamang mahalaga sa pag-unlad ng bansa kundi gayundin sa mundo.
Sa kabuuang P453.11 billion mula sa public sector climate funding sa 2023, umaabot sa 75 percent o P338.21 billion ang nakalaan para sa climate adaptation kabilang na dito ang mga programa para sa pagpapaunlad sa “resilient crops” at “livestock production system” at teknolohiya.
Ang nalalabing 25% o P114.9 billion ay gagamitin naman sa climate mitigation na kinabibilangan ng promosyon sa renewable energy at pagpapaunlad sa traffic infrastructure-mobility upang mabawasan ang greenhouse gas (GHG) emissions.
- Latest