'Konting pasensya pa': Marcos Jr. wala pa rin ninonominang DOH, DND secretaries
MANILA, Philippines — Masaya pa rin daw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa performance ng mga officers-in-charge ng Depertment of Health at Department of National Defense, ito habang idinidiing wala pa siyang napipisil na mga permanenteng kalihim ng mga naturang kagawaran.
Ito ang ibinahagi ni Bongbong, Huwebes, habang nasa sidelines ng Kadiwa ng Pasko caravan sa Lungsod ng Quezon.
"Wala, we just go to the process. Wala pa kaming DOH. Wala pa kaming nino-nominate. Usec. [Ma. Rosario] Vergeire is doing a fine job. Kasi we are still not out of the pandemic. So we have to continue to be careful," sabi ng presidente kanina.
"Sa [Department of Agriculture], sa DND, no, I think… Happy ako with the situation as it is now. We’ll see. These things are revisited, especially every year at the end of the first year. I don’t think that’s a secret to anyone that at the end of the first year, ‘yung mga ibang kandidato, they will now join the mix of possible nominees."
Kasalukuyang si Vergeire ang OIC ng DOH habang si dating Armed Forces chief of staff na si Senior Undersecretary Jose Faustino naman ang tumatayong DND-OIC.
Pinapangunahan muna ngayon ni Marcos ang DA sa gitna ng krisis sa taas ng presyo ng pagkain. Sa kabila nito, una nang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong nakaraang linggo na kinukunsidera na nila nang husto na mag-appoint ng ibang tao sa kagawaran.
Ilang pangalan na ang kinukunsidera sa ngayon para sa posisyon ng DA secretary, ngunit meron daw sinusundang timetable atbp. gustong maabot si Marcos bago umalis sa departamento.
Humihingi pa ang presidente ng "dagdag pa pasensya" mula sa publiko kaugnay ng mga appointments na hindi pa rin nangyayari halos anim na buwan matapos maupo sa Malacañang.
Ilang beses nang nababatikos si Marcos nitong mga nakaraang buwan dahil sa tagal magtalaga ng mangunguna sa DOH, lalo na't pumapasok pa ng Pilipinas ang mga bago at mas nakahahawang variants ng COVID-19.
Inuna muna ni Bongbong na italaga bilang undersecretary ng DOH ang dating hepe ng Philippine National Police na si Camilo Cascolan kaysa magkaroon ng kalihim ang Kagawaran ng Kalusugan.
Nangyayari rin ngayon ang halos 14-year high na inflation rate, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na sa pagkain, habang si Marcos Jr. ang nangunguna sa DA.
Hindi pa rin natutupad ang campaign promise ni Marcos Jr. P20/kilong bigas sa mga karaniwang palengke sa ngayon.
Gayunpaman, nakapagbebenta na ng P25/kilong bigas sa 14 Kadiwa sites sa Pilipinas. Sa kabila nito, 11 sa mga ito ay nakakonsentra sa Metro Manila.
- Latest