House bills sa edukasyon, hiling maipasa
MANILA, Philippines — Nanawagan si Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel H. Bordado, Jr. sa mabilis na pagpasa ng dalawang panukalang batas na magpapatibay sa Local School Boards (LSB) at magpapalawak ng saklaw ng Special Education Fund (SEF) upang matugunan ang krisis sa edukasyon.
“Ang kasalukuyang krisis sa ating sektor ng edukasyon ay patuloy na bumabagabag sa ating kabataan at kinabukasan ng ating bansa kung hindi tayo kikilos ngayon. Paraan din ito upang matugunan ang mga mahigpit na pangangailangan ng ating paaralan, guro, at mag-aaral,” ani Rep. Bordado.
Ayon kay Bordado, kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya matapos ang pandemya, dapat ding tugunan at tutukan ang batas para sa sektor ng edukasyon.
Sinabi ni Bordado na ang local government unit sa Naga City, Bicol ay gumagamit ng LSB at SEF upang palakasin ang sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng maraming programa na naglalayong bigyang kapangyarihan ang mga tao mula pa noong panahon ng dating Mayor Jesse M. Robredo.
Sa joint committee meeting ng Committees on Basic Education and Culture at Local Government noong Huwebes, hangad ni Bordado na maging co-author ng HB 3690 at 2950 na nagpapatibay sa LSB at HB 1286 at iba pang mga panukalang batas na nagpapalawak sa SEF.
Sa ilalim ng panukala, popondohan ang pagkuha at/o subscription ng mga libro, peryodiko at kagamitang panturo; ang mga pananaliksik na pang-edukasyon, pagsasanay, workshop o conference ng mga guro at mag-aaral.
- Latest