Marcos-Duterte hinamon: Ilipat 'P5-B confidential, intel funds' sa P10K ayuda
MANILA, Philippines — Hinamon ng isang mambabatas sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte-Carpio na isuko na lang ang bilyun-bilyong halaga ng kontrobersyal na confidential, intelligence fund sa 2023 para aktwal na mapakinabangan ng publiko.
Ito ang pahayag ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Lunes, lalo na't magpa-Pasko sa gitna ng halos 14-year high na inflation rate.
"Kung talagang may concern sila lalo sa mga pinakamahihirap na sektor ng ating lipunan dapat ay ibigay na nina Pres. Marcos Jr. at VP Duterte ang kanilang confidential and intelligence funds sa ayuda," wika niya sa isang panayam kanina.
"The president's [confidential and intelligence funds] is P4.5 billion while that of the VP is P500 million, this P5 billion would already help 500,000 families if they are given P10,000. This would translate to 2.5 Filipinos aided."
Ilang buwan nang nababatikos ang mungkahing P4.5 bilyon para sa intelligence at confidential funds para sa Office of the President sa darating na taon. Maliban pa ito sa P500 milyong confidential funds na nais ilaan sa Office of the Vice President.
Kamakailan lang nang tapyasan ng Senado ang una nang mungkahing confidential funds ng Department of Education mula P150 milyon patungong P30 milyon, bagay na ni-realign sa operating budget ng kagarawan. Si Duterte ang kalihim ng DepEd.
Kontrobersyal ang confidential at intel funds dahil mahirap itong i-audit, kahit pwede, dahilan para magduda ang mga tao kung saan talaga ito napupunta. Maliban sa pangamba ng katiwalian, ikinatatakot ng mga grupo na magamit ito pang-surveillance kahit sa mga civilian agencies tulad ng DepEd.
"This aid would also be spent on the local economy because these families would buy food, clothing and pay bills so we will be hitting two bitds with one stone," dagdag ni Castro.
"Sana naman ay makinig ang pangulo at pangalawang pangulo sa kahilingan ng ating mga kababayang mahihirap lalo pa at magpapasko. Magandang pamasko sa kanila ang pag-anunsyo na sila ay makakatanggap ng P10k ayuda pagpasok ng bagong taon."
Tikom pa rin ang bibig ni Duterte matapos bawasan ng Senado ang confidential funds ng DepEd, na una na niyang sinabing "pakikinabangan" ng mga naaabusong estudyante.
- Latest