Edad 70 pataas na PDL palalayain – BuCor
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Bureau of Corrections (BuCor) na irekomenda kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagbibigay ng “executive clemency” sa mga bilanggong may edad 70-taong gulang at pataas upang mapaluwag ang mga pinamamahalaan nilang kulungan.
Inihayag ni BuCor officer-in-charge General Gregorio Catapang Jr. na nagawa ito noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at posible ring maisagawa sa ngayon.
“Under the law daw, panahon ni President GMA, may batas siya o executive order na inisyu na lahat ng 70 years old up ay [bigyan] na ng parole o palayain na kahit papa’no kasi sabi nila, 70 years old, hindi na makakaisip ‘yan gumawa ng krimen,” paliwanag ni Catapang.
Una nang sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano na target din talaga ni Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pagpapaluwag sa mga kulungan lalo na ang New Bilibid Prison na may congestion rate na 300% na.
Isa pang plano ngayon ng DOJ ang tuluyang pagpapalipat na sa NBP maximum security sa Sablayan Prison sa Occidental Mindoro at ang minimum security sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Higit sa 1,500 matatandang bilanggo lalo na ang mga naghihintay na lamang ng paglaya ang maaari ring mailipat sa Fort Magsaysay, ayon kay Catapang.
Base sa resolusyon ng Board of Pardons and Parole (BPP), ang mga bilanggo na kuwalipikado na sa parole o executive clemency ay ang may edad 65-taong gulang pataas, napagsilbihan na ng limang taon ang kanilang sintensya, o ang nalalagay sa panganib ang kalusugan sa bilangguan base sa rekomendasyon ng doktor.
Hindi naman kuwalipikado dito ang mga inmate na may kasong heinous crimes.
- Latest