Anti-drug war ng Marcos admin, may ibang diskarte
MANILA, Philippines — Tuloy ang paglaban sa iligal na droga sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pero tiniyak na hindi malalabag ang batas, may paggalang sa karapatang pantao at itutuon sa rehabilitasyon at pag-unlad ng kabuhayan ng mga komunidad.
Ito ang binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, kasabay ng panghihikayat niya sa publiko nitong Biyernes na maging advocates ng kanilang “BIDA” (Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan) anti-drug program upang makatulong na matuldukan ang problema sa iligal na droga sa bansa.
Ang BIDA Program ay isang nationwide anti-illegal drugs advocacy program na katuwang ang mga local government units, national government agencies at iba pang pangunahing sektor ng lipunan na higit na tutuon sa drug demand reduction at rehabilitation sa mga komunidad na binibigyang-diin ang papel ng mga drug enforcement agencies kabilang ang Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at iba pa.
Sinabi ni Abalos na ang problema sa iligal na droga ay isang malalim na isyu na patuloy na sumisira sa relasyon, pamilya at kinabukasan ng kabataan na aniya’y panahon na para sa lahat ng sektor ng lipunan na manindigan at gawin ang kanilang bahagi sa pamamagitan ng BIDA program.
Simula nang maupo si Pang. Marcos, ang PNP ay nakakumpiska na ng nasa P9.7 bilyong halaga ng iba’t ibang uri ng iligal na droga at nakapag-aresto ng nasa 22,646 drug personalities sa 18,505 anti-illegal drug operations sa buong bansa.
Sinabi ni Abalos na inaasahang pangungunahan ng Pangulo ang paglulunsad sa Metro Manila ng BIDA Program sa Quezon City Memorial Circle sa Quezon City, habang sa mga rehiyon ay ilulunsad ito sa Cebu City, Cagayan de Oro City at Davao City sa Sabado.
- Latest