‘8 billionth baby’, isinilang sa Maynila
MANILA, Philippines — Isinilang kahapon ang isang sanggol na babae na ikinokonsiderang “symbolic 8 billionth person in the world” sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Sta. Cruz, Maynila ala-1:29 ng madaling araw nitong Martes.
Ang sanggol na iniluwal sa pamamagitan ng normal delivery ng 26-anyos na si Maria Margarita ng Tondo, Maynila ay pinangalanang Venice.
Ayon sa ina ng bata, anim na araw na siyang nagle-labor kaya para masiguro na ligtas siya at ang bata, dinala na siya sa ospital.
Labis ang kasiyahan ni Margarita na ang kanyang anak ang symbolic baby ng Pilipinas para sa 8 billionth baby of the world. Pero wala umano siyang ibang hiling kundi maging malusog ang kanyang ika-apat na anak.
Para kay Dr. Romeo Bituin, hepe ng medical professional staff ng ospital, mahalagang malaman ang kabuuang populasyon ng mundo para sa pagpa-plano ng mga bansa lalo na sa kalusugan ng bata simula ng nasa sinapupunan pa lamang ito.
Base sa tala ng Population Commission, nasa 110.5 million na ang populasyon ng Pilipinas sa kalagitnaan ng 2022.
Nauna nang tinantiya ng United Nations na ang populasyon ng tao sa daigdig ay aabot sa 8 billion sa kalagitnaan ng November 2022.
Umaasa ang komisyon na ang symbolic baby ng bansa na si Venice ang magiging simbolo ng pagbabago sa darating na panahon.
Tatanggap ng gift pack mula sa POPCOM si baby Venice habang magiging libre ang konsultasyon ng bata at kaniyang ina.
Nabatid rin na sa naturang pagamutan ipinanganak noong 2014 ang 100 millionth baby sa mundo, dahilan para mabigyan ang sanggol ng scholarship sa school of midwifery ng ospital at mabigyan din ng trabaho ang kaniyang ama.
- Latest