Regatta muling umarangkada sa Puerto Galera
MANILA, Philippines — Matapos maantala ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic, muling nagpaligsahan sa karera ng yate ang nasa higit 150 na sailor o maglalayag sa tinaguriang All Souls Regatta (ASR) na ginanap sa isla ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro noong ika-2 ng Nobyembre.
Ito na ang ika-18 taon ng ASR na naglalayong ipakilala ang Puerto Galera bilang isa sa premier sailing tourist destination sa bansa.
Sa loob ng tatlong araw, nagpaligsahan ang mga sailor, sakay ng kanilang mga keelboats, sa karera na nagsimula sa Muelle Bay patungo sa Bulabod Beach, Verde Island, Maricaban Island, at Talipanan Point.
Bukod sa mga experienced sailors, nakilahok rin sa karera ang ilang young sailors ng probinsiya na kabilang sa marginalized sector at ilang street children. Ang ilan sa kinita ng ASR ay ido-donate sa Stairway Foundation na naglalayong tulungan ang ilang mahihirap na kabataan sa Puerto Galera.
Ayon kay Mayor Rocky Ilagan ng Puerto Galera, malaking bagay ang muling pagdaraos ng ASR para manumbalik ang sigla ng turismo sa isla na labis na naapektuhan ng pandemya. Bukod sa ASR, puspusan na rin ang lokal na pamahalaan sa pagpapaganda ng kanilang isla upang maka-engganyo ng mas marami pang turista.
Minsan nang itinanghal ang Puerto Galera bilang isa sa “The Most Beautiful Bays in the World” noong 2005 ng Paris-based website na Le Plus Beels Du Monde.
- Latest