Bawas buwis: 4 'anti-VAT' bills inihain uli ng Makabayan bloc sa Kamara
MANILA, Philippines — Upang makaagapay ang Filipino consumers sa bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin buhat ng 7.7% inflation rate at COVID-19 pandemic, muling inihain ng ilang mambabatas ang mga panukala para tanggalin ang value added tax sa sari-saring bayarin.
Lunes lang nang iulat ang pinakamataas na inflation rate sa Pilipinas simula Disyembre 2008 (halos 14 taon), bagay na labis naapektuhan ng pagsirit ng presyo ng pagkain matapos ang bagyong "Karding."
"We refiled House Bill 5994 or the bill removing value added tax (VAT) on systems loss in electricity, House Bill 5995 removing VAT on electricity bills, House Bill 5996 removing VAT on toll fees,and House Bill 5997 removing VAT on water bills as concrete steps in alleviating the plight of Filipino consumers and lowering their bills," wika ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Huwebes.
"An example is that in the case of electricity by removing the 12% VAT on a P2000 electric bill of a consumer, around P240 can be saved, of the hard earned money of consumers."
Matagal nang ipinapanawagan ng Makabayan bloc ang pagtatanggal ng VAT sa sari-saring serbisyo at produkto bilang tugon sa papataas na mga bayarin habang hindi tumataas ang sahod.
Ang VAT, ayon sa Bureau of Internal Revenue, ay isang "indirect tax" na ipinapataw sa mga bagay na kinokonsumo. Ilan diyan ay sa sale, barter, exchange o renta ng goods o properties at serbisyo sa Pilipinas, maliban pa sa importasyon ng mga produkto sa bansa. Maraming beses ay naipapasa ang bigat nito sa mamimili.
Isa ito sa pinagkukunan ng revenue o kita ng gobyerno, nang hindi binubuwisan nang mas malaki ang mayayamang taxpayers sa porma ng income tax.
"These bills were first filed by Bayan Muna in the previous Congresses but we believe that the approval of these anti-VAT bills are more imperative now because of the dire hardships that Filipinos are enduring," dagdag pa ni Castro.
"We urge the House leadership to immediately hear these bills and Malacanang should also classify them as urgent as way to help our people."
Oktubre lang nang sabihin ng 66% ng Pilipino sa isang survey na pagtaas ng presyo ng bilihin ang "numero unong" dapat tugunan ng gobyerno, habang 59% naman ang nagsabi na dapat unahin ang pagtataas ng sahod at paglikha ng mas maraming trabaho.
Bagama't makakaapekto sa revenues ng gobyerno ang pagpapatupad ng anti-VAT bills, naniniwala ang mga militanteng mambabatas na dapat balikatin ng mga bilyunaryo ang mas malalaking buwis kaysa sa ordinaryong tao.
Taong 2021 nang ihain nila ang "Super-Rich Tax" bill alinsunod sa konsepto ng progressive taxation. Ang naturang prinsipyo ay nakabatay sa ideyang mas malaki dapat ang buwis ng mayayaman kaysa mahihirap.
Noong sunud-sunod ang oil price hikes noong maagang yugto ng 2022, isa ang agarang pag-repeal ng VAT at excise tax sa langis sa mga iminungkahi ni noo'y senatorial candidate na si Neri Colmenares.
- Latest