State of calamity sa buong bansa, inirekomenda ng NDRRMC
MANILA, Philippines — Dahilan sa matinding pinsala ng bagyong Paeng, hinikayat nitong Sabado ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ideklara na ang ‘state of calamity’ sa buong bansa sa loob ng isang taon.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Raymundo Ferrer, 16 sa 17 Regions sa bansa ay ibinilang sa ‘high risk’ dahilan sa cyclone na nagdulot ng matinding flash floods at landslides.
“The Philippines should declare a national state of calamity due to the effects, damage and projected impacts by Severe Tropical Storm Paeng for a period of one year, unless earlier lifted,” ayon sa rekomendasyon ni Ferrer kay PBBM sa isang virtual meeting.
Inirekomenda rin ni Ferrer na dapat tumanggap ng tulong ang bansa mula sa international assistance base sa pangangailangan.
Sa panig naman ng Pangulo, sinabi nito na hihintayin niya muna ang opisyal na resolusyon na isusumite ng NDRRMC bago aprubahan ang pagdedeklara ng state of calamity.
Inihayag ni PBBM na maraming mga rehiyon ang apektado ng hagupit ng bagyong Paeng kaya ito ang nagbibigay katwiran sa pagdedeklara ng state of calamity.
Sa pamamagitan ng state of calamity ay ito ang nagpapahintulot sa gobyerno para magamit ang calamity funds at mapigilan ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin gayundin para magkaroon ng mga loan o pautang na walang interes.
Nitong Sabado ng hapon ay binago ng NDRRMC ang una nitong iniulat na 72 death toll sa bagyong Paeng na nilinaw na 45 katao lamang ang nasawi.
Ang bagyong Paeng ay nakaapekto sa 271,259 katao o kabuuang 72,000 pamilya sa nasa sampung rehiyon sa bansa, ayon pa sa data sa website ng NDRRMC.
Nasa 37 landslides din ang naitala habang 219 namang mga lugar ang dumanas ng malawakang pagbaha.
- Latest