‘Last mile public schools’ bill pasado na sa House panel
MANILA, Philippines — Lusot na sa Committee on Basic Education and Culture ng Kamara nitong Miyerkules ang House Bill (HB) 650 o ang “Last Mile Public Schools “ na binalangkas at iniakda ni 2nd District Albay Rep. Joey Salceda na naglalayong matulungan ang mga estudyanteng nakatira sa mga kanayunan o mga liblib na barangay sa bansa.
Alinsunod sa HB 650, magtatatag ng maayos na public schools at kalsada sa mga liblib at mahihirap na barangay kabilang ang mga nasa gitna ng naglalabanang tropa ng gobyerno at ang mga armadong puwersa na kalaban ng estado.
“Hindi na kailanman mangyayaring kailangan pang tawirin ng mga batang mag-aaral ang mapanganib na rumagasang agos ng mga ilog at lakbayin mahahabang baku-bakong mga daan, bago sila makarating sa kanilang paaralan,” ayon sa explanatory note ng HB 650 ni Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means.
Binibigyan diin dito na obligasyon ng pamahalaan at ng bansa na protektahan at isulong ang karapatan ng lahat na mamamayan sa mataas na uri ng edukasyon sa lahat ng antas at gawin ang mga angkop na hakbang upang maging abot-kamay sa mga mahihirap ang naturang uri ng edukasyon.
Pinuna rin ng solon na ang mga Last Mile Public Schools ay kadalasang kulang pa sa apat ang silid-aralan, walang kuryente, kulang sa 100 ang bilang ng mga mag-aaral at mga katutubo ang mahigit kalahati sa mga estudyante, mababa ang uri ng mga silid-aralan, walang dagdag na proyekto at ginawang pagkumpuni sa nakaraang apat na taon.
- Latest