National Water Use Plan kailangan sa ‘farm-to-market road’ masterplan
MANILA, Philippines — Nanawagan si House Deputy Majority Leader David Suarez sa gobyerno na bumuo ng isang komprehensibong programa para sa tama at epektibong paggamit ng ‘water systems’ sa bansa na siyang magiging susi sa tagumpay ng “farm-to-market masterplan” na nais ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sinabi ni Suarez, kinatawan ng 2nd district ng Quezon, sa pamamagitan ng isang National Water Use Plan, matutugunan nito ang problema sa kakapusan sa tubig sa mga bukirin, na siya ring susi para sa “food security program” ng bansa.
“Kailangan ng ating mga magsasaka ang mabisang plano na magsisiguro ng maayos at tuluy-tuloy na supply ng tubig at irigasyon sa kanilang mga sakahan. Mahalagang mabuo agad ng pamahalaan ang National Water Use Plan nang sa ganun ay maging mas kampante ang ating mga magsasaka,” ayon sa vice chairman ng House Committee on Agriculture.
Sinabi niya na hango sa datos ng National Irrigation Administration (NIA), halos 36 porsiyento ng 3,128,631 total irrigable areas ay walang matinong irrigation system.
“Kailangan muna nating resolbahin ang ugat ng problemang ito. Dito papasok ang pagkakaroon ng isang National Water Use Plan na siyang sagot sa kakulangan ng tubig sa ating mga palayan,” giit ni Suarez.
Dapat umanong maisabay ito sa pagpapatupad ng National Farm-to-Market Road masterplan para maabot ang minimithi ng Pangulong Marcos na “food security”.
Nakapaloob naman sa FMR masterplan, ang mapa ng mga rehiyon na nakadetalye ang mga eksaktong lokasyon ng mga farm-to-market roads na gagawin.
- Latest