DOJ nagpatulong mahanap nasa likod ng death threats vs News5 broadcasters
MANILA, Philippines — Humingi na ng tulong ang Department of Justice (DOJ) sa publiko para matunton ang nagbabanta sa buhay ng ilang mamamahayag ng TV5, ito matapos mapatay ang radio broadcaster na si Percy Lapid.
"Nandirito ang Department of Justice para protektahan ang press freedom at buhay ng bawat Pilipino," wika ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano, tagapagsalita ng DOJ, ayon sa ulat ng News5 na inere Martes ng gabi.
"If there is anyone that can provide information on Seth Corteza and/or the information he has regarding the threat on the anchor's lives, please do share them with the nearest police station for verification."
Ika-4 lang kasi ng Oktubre nang mag-tweet ang netizen na si "Seth Corteza" (@PinggoyB) patungkol sa banta sa buhay nina Ed Lingao at Lourd de Veyra. Isang araw pa lang ito matapos tambangan si Lapid.
Si Lingao ay anchor ng News5 sa programang "Frontline Tonight." Kasama ni Lingao si De Veyra sa programa ng One PH na "'Wag Po!" Naging anchor din si Lourd sa iba't ibang newscasts ng TV5.
Burado na ang nasabing tweet na may pagbabanta sa account ni Corteza sa ngayon.
Kinastigo ni Lingao ang atake sa kanila nina Lourd lalo na't ipinapahiwatig daw ng naturang personalidad na isusunod na silang mamamatay.
"Ano naman kaya ang magiging palusot nitong si 'Seth Corteza' ng Tuscany, Italy? Concerned lang siya? May scoop siya? O pahapyaw na pagbabanta? O mema lang talaga si Seth, para mapag-usapan ng kanyang followers?" wika ni Lingao sa kanyang Facebook post nitong Martes.
"Ang matindi pa, meron pang nag-like. Mga HIJO, nagsasayang lang kayo ng oras. Matagal na kaming takot. Pero nandito pa rin kami."
Isang araw matapos patayin si Lapid
Matatandaang pinagbabaril sa Las Piñas si Lapid (Percival Mabasa sa totoong buhay) habang papunta sa BF Resort Las Piñas kung saan siya dapat mag-o-online broadcast.
Kilalang kritiko ng administrasyon nila Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte si Mabasa at nagkokomentaryo laban sa red-tagging.
Milyun-milyon na ang pabuya para sa makapagtuturo sa pumatay kay Lapid sa ngayon.
Dalawa na ang namamatay na media workers sa Pilipinas simula nang maupo si Marcos Jr. Maliban kay Mabasa, ika-18 lang ng Setyembre nang pagsasaksakin hanggang mamatay ang radio broadcaster na si Rey Blanco sa Mabinay, Negros Oriental.
Ngayong Mayo lang nang bumagsak sa ika-174 pwesto ang Pilipinas sa 2022 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders, bagay na nagtatasa sa estado ng peryodismo sa 180 bansa at teritoryo sa mundo.
- Latest