'Blacklist'? Chinese Embassy tiniyak pagdagsa ng turistang Tsino sa 'Pinas

Passengers wearing face masks as a preventive measure wait for their flights out of the country at Manila's international airport on March 19, 2020.
AFP/STR, File

MANILA, Philippines (Updated 8:38 p.m.) — Pinasinungalingan ng Embahada ng Tsina na nagpapatupad ito ng "tourism blacklist" laban sa Maynila, bagay na kumalat matapos ang pahayag ng isang senador.

Martes lang kasi nang ibalita ni Sen. Juan Miguel Zubiri na "blacklisted" na sa mga Tsino ang Pilipinas kaugnay ng kontrobersyal na Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa isang hearing sa Senado.

Iba naman ang sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian sa isang ambush interview patungkol sa diumano'y blacklist: "Ang rinig ko kasi possible na ma-blacklist o ma-restrict kasi wala pa namang official pronouncement," aniya.

"Sa totoo lang, wala pa po kaming natatanggap na advisory with respect to that blacklisting issue. 'Pag nabigyan na po kami ng kaukulang advisory, we will make the proper comment," ani Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil kanina.

"Ayaw ko pong mag-speculate. So antayin na lang po natin ang advisory kung meron man po... I don't want to comment sa isang bagay po na hindi pa po namin naco-confirm."

Una nang sinabi ni Zubiri na nanggaling mismo kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang impormasyon nitong Lunes, bagay na naibahagi rin daw sa iba pang senador. Ito raw ang dahilan bakit may "significant drop" ang Chinese tours sa bansa. 22,236 ang nabawas sa Chinese arrivals ngayong 2022.

Taong 2019 nang pumalo sa 1.74 milyong ang Tsinong bumisita sa Pilipinas, ang ikalawang pinakamaraming dayuhang pumasok sa bansa noong taong 'yon.

"Ambassador Huang said that the Philippines now is part of a blacklist of tourist sites because they do not know if the tourist going there will be joining POGO operations and they do not know if their nationals who go to the Philippines will be safe from illegal activities done by the Triad, by the syndicates operating POGO," ani Zubiri.

Kamakailan lang nang naging maingay uli ang isyu ng mga POGO sa Pilipinas, kabilang na ang kidnapping ng mga foreign nationals na ikinulong daw sa mga naturang pasilidad. Setyembre lang nang sabihin ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group na lumobo ng 25% ang kaso ng POGO-related kidnapping.

Kaugnay nito, ilang senador na ang nananawagan na higpitan o tuluyang i-ban na ang POGO operations.

Hindi bababa sa tatlong beses na nabanggit ng culture and tourism ministry ng Tsina ang kanilang tourism blacklist simula Agosto 2020. Ito'y noong nagpapataw ng travel restrictions sa ilang lugar na "naglalagay sa panganib" sa mga Tsino. Hindi pa isinasapubliko ang listahan.

Ang mga POGO ay kilalang nagbibigay ng serbisyong pasugalan, bagay na iligal sa Tsina. Dati nang hinihikayat ng Beijing na 'wag mag-host ng gambling operations ang ibang bansa sa kanilang mga mamamayan. 

'Blacklist? Marami pang Chinese darating'

Tila pinasinungalingan naman ng Embahada ng Tsina ang mga ebas ni Zubiri pagdating sa naturang tourism blacklist, lalo na't idiniin nilang dadami pa ang Tsinong bibisita sa bansa pagkatapos ng COVID-19 pandemic.

"TO FURTHER ELUCIDATE ON the 'tourist blacklist' remarks, tourism is an important component of practical cooperation between China and the Philippines which has helped further deepen long-time friendship between the two peoples," ayon sa embassy.

"Before the Covid-19 pandemic close to two million Chinese nationals traveled to the Philippines in 2019, making China the second largest source of tourists. We expect more Chinese tourists to come to this country after the pandemic."

Sa kabila nito, totoong nakipagkita raw si Huang kina Zubiri, Gatchalian at Sen. Robin Padilla habang idinidiin ng Beijing ang pagtutol nito sa POGO operations.

Maaari rin daw i-pursue ang criminal liability laban sa mga Tsinong nagsusugal sa ibang bansa pati na ang pagbubukas ng mga casino para mahalina ang Chinese citizens bilang primary customers.

"Crimes induced by and associated with POGO not only harm China’s interests and China-Philippines relations, but also hurt the interests of the Philippines," dagdag pa nila.

"It is therefore widely believed that social costs of POGO far outweigh its economic benefits to the Philippines in the long run and POGO should be tackled from the root so as to address the social ills in a sweeping manner." — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio

Show comments