Hepe ng PNP custodial center 'sinibak' matapos ma-hostage si De Lima
MANILA, Philippines — Tanggal muna sa pwesto ang hepe ng Philippine National Police Custodial Center habang iniimbestigahan ang insidente ng hostage-taking na siyang naglagay kay dating Sen. Leila de Lima sa peligro.
Linggo lang nang bihagin ng tatlong preso si De Lima sa Camp Crame, Quezon City. Sinasabing 30 minuto nangyari ang insidente kung saan nasaksak aniya ng mga inmate ang isang opisyal na namamahagi ng pagkain habang "sinusubukang tumakas."
"Initially, of course, 'yung immediate commander doon... So tinanggal po muna natin siya. That's automatic for administrative investigation to determine 'yung culpability of the commander," wika ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., Lunes, sa press briefing ng pulisiya.
"Si Lt. Col. Patrick Ramillano. Siya 'yung chief ng [Headquarters Support Service] custodial facility."
Una nang sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na tinutukan pa ng sandata ng hostage taker ang dating senadora sa dibdib. Agad naman daw na-"neutralize" ang suspek-detainee noong humingi ang nabanggit ng tubig mula sa mga pulis.
Sinasabing si Col. Mark Pespes, kasalukuyang direktor ng PNP Headquarters Support Service (HSS), ang nagnutralisa sa hostage taker: "Col. Pespes saved the day. What he did was quick thinking and quick action," ani Abalos.
Kanina lang nang bumisita si Azurin sa custodial center at tiniyak na gumugulong na ang mga imbestigasyon.
"'Yung investigation is being conducted by the [Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region] para tignan kung anong nangyari kahapon... and what are the possible administrative lapses ng mga gwardya natin doon, specifically the head of the custodial security unit ng HSS," dagdag pa ni Azurin.
"Likewise the forensic group is also conducting 'yung Scene of the Crime Investigation po niya doon sa nangyaring hostage drama po kahapon."
Sinusubukan na rin daw nilang aralin ang mga tumatayong panuntunan pagdating sa visitation ng mga naka-detain, pati na ang mga polisiyang dapat pinatutupad ng mga pulis para matiyak ang seguridad ng lahat.
Nag-alok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng option kay De Lima na mailipat sa ibang custodial center para na rin sa kanyang kaligtasan. Sa kabila nito, binanggit naman ni Abalos na "okay" na raw si De Lima at mananatili na lang sa parehong lugar.
Una nang sinabi ng mga kaalyado ni De Lima gaya ng partidong Akbayan na dapat nang mapalaya ang opposition figure na sana'y nakapaglayo na noon pa lang sa nabanggit sa kapahamakan.
Nananatiling nakakulong si De Lima dahil sa dalawa pang kaso kaugnay ng droga, kahit na may testigong bumaliktad at binawi ang testimonya laban sa kanya. Taong 2021 lang nang maabswelto siya sa isa sa mga kasong kinakaharap. — may mga ulat mula kay The STAR/Marc Jayson Cayabyab
- Latest
- Trending