Pabuya sa makapagtuturo sa pumatay kay Percy Lapid umabot sa P1.5-M
MANILA, Philippines — Lalo pang tumaas ang reward money na ibibigay ng otoridad sa mga makapagbibigay ng impormasyon patungkol sa "person of interest" sa pagpatay sa radio commentator na si Percy Lapid (Percival Mabasa) — lagpas P1 milyon na.
Ito ang ibinahagi ni Interior Secretary Benhur Abalos, Biyernes, habang ipinakikita ang aniya'y larawan ng suspek sa press briefing ng National Capital Regional Police Office public information office.
"Ito po siya... Kitang-kita ang larawan niya, ang itsura niya. At alam naman ninyo na tayo'y nagbibigay ng reward P500,000 galing sa akin at P1 million galing kay Alex Lopez at marami pang gustong tumulong," ani Abalos kanina.
"A total of P1.5 million."
Dati'y nasa P500,000 lang ang reward money.
Lunes lang nang maiulat na pinagbabaril si Mabasa ng dalawang nakamotorsiklo habang papunta sa BF Resort Las Piñas kung saan siya dapat mag-o-online broadcast. Agad din siyang namatay kinagabihan.
Kanina lang nang maghain ang progresibong Makabayan bloc ng resolusyong humihimok sa Kamara na kundenahin sa "strongest terms" ang extrajudicial killing na ginawa kay Lapid, na siyang kilalang kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"So sana naman sa mga nanunuod at nakikinig ngayon: any information sa taong ito, ibigay niyo kaagad dito sa PNP. Napakaimportante po nito," dagdag pa ni Abalos.
"Sa taong ito na nasa larawan na ito, ito lang ang masasabi ko: Marami nang nakakaalam sa'yo at maraming magsusumbong. Siguro sumuko ka na. Napakaimportante na sumuko ka sapagkat, pag-isipan mo 'yung mga nag-utos sa'yo baka may gawing masama sa iyo."
"Ang pinakamagandang gawin mo, sumuko ka."
Ilan sa mga natatalakay ni Mabasa sa kanyang radio show na "Lapid Fire" ang red-tagging laban kay Manila Judge Marlo Magdoza-Malagar, risks ng Philippine Offshore Gaming Operators at pagbabaluktot sa kasaysayan ng Martial Law.
- Latest