Peace talks sa CPP-NPA, itigil na - Sen. Bato
MANILA, Philippines — Hindi na umano dapat makipag-peace talks ang gobyerno sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa halip ayon kay Sen. Ronald ‘Bato” dela Rosa, patuloy silang tugisin at huwag nang pagbalakan pang kausapin muli.
Paliwanag pa ni dela Rosa, tanging gobyerno lamang ang sinsero sa usapang pangkapayapaan at niloloko lang ito ng naturang grupo kapag humaharap sa peace talks
Idinagdag pa ng Senador, kapag ongoing ang peace talks at mayroong ceasefire ay nagpapalakas ng hanay, nag-aarmas at nagre-recruit ang NPA dahil libreng-libre silang pumasok sa mga barangay at kanayunan.
Nasaksihan at naranasan umano niya ito noong siya pa ay pulis at malamang ay makita pa rin umano ito ng kanyang anak na nag-aaral ngayon para maging pulis.
Nasa dulo na umano ang laban sa mga makakaliwa at dapat tapusin na dahil kapag nawala ang problemang ito ay tiyak na napakaganda na ng Pilipinas.
Isa umano sa paraan laban sa CPP-NPA ay ang pagbubuhos ng infrastructure projects sa kanayunan, sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
- Latest