Piso bumulusok sa bagong 'record low' na 58 kontra dolyar
MANILA, Philippines — Muling nabasag ang record ng pinakamababang palitan ng piso sa dolyar sa kasaysayan ng Pilipinas ngayong Miyerkules matapos nitong sumadsad sa isa na namang "all-time low" na P58.
Ito ang lumalabas matapos itong magsara sa naturang halaga ngayong araw, ayon sa pinakahuling datos ng Bankers Association of the Philippines.
"We’re hoping that P58 is the peak before normalizing to about P56 by year-end but if you take a look at the phase of the Fed raising rates, there’s still upside to that in terms of the US dollar," wika ni Royce Aguilar, equity research deputy head for retail ng First Metro Securities, sa panayam ng ANC.
"It would be possible that the peso could reach around P60. It’s possible, definitely."
Ilang linggo pa lang ang nakalilipas nang makita ni Miguel Chanco, chief Emerging Asia economist para sa Pantheon Macroeconomics, na lalapit patungong P58 ang halaga ng dolyar. Pero, sinasabi niyang malabo nang lumala pa ito mula riyan.
Sa tuwing mas mahina ang piso, mas malaki ang halagang naipapadala ng mga overseas Filipino workers sa kanilang mga pamilya sa 'Pinas oras na ipapalit nila ang dolyar.
Gayunpaman, ilan sa mga nakikitang epekto ng peso depreciation ay ang mas mahal na halaga ng foreign goods and services sa mga Pilipino.
Agosto lang nang umabot sa 6.3% ang inflation rate (bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin) nitong Agosto sa Pilipinas, mas mabagal kumpara sa naunang buwan. Sa kabila nito, sobra-sobra pa rin ito sa target inflation ng gobyerno na 2-4%.
Kamakailan lang nang sabihin ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla na rururok pa ang inflation ngayong Setyembre o Oktubre. — James Relativo
- Latest