Pabrika, construction site lagyan ng karatula ng suweldo ng mga obrero
Panukala ni Sen. Tulfo
MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na pagkabitin ang mga pabrika, construction site at mga katulad na work places ng malalaking karatula tungkol sa minimum na suweldo at mga benepisyo na dapat matanggap ng mga mangagawa.
Sa pagdinig ng senate committee on labor and employment, binanggit ng senador na mabuti ring isulat sa karatula ang 13th month pay, gayundin ang computation ng overtime at holiday pay gayundin ang hotline ng DOLE na maaaring tawagan ng inaagrabyadong manggagawa.
Naniniwala naman si Tulfo na magiging epektibo itong paraan upang masawata ang mga employer na hindi nagbibigay ng tamang serbisyo at benepisyo tulad umano dito sa Metro Manila kung saan P570 ang minimum na pasahod subalit may nagpapasuweldo ng P200 hanggang P300 lamang.
Nangako naman si DOLE Secretary Beinvenido Laguesta na ikokonsidera ang mungkahi ni Tulfo at nagbigay ng katiyakan na kumikilos ang DOLE para hindi maabuso ang mga manggagawa.
Sa ngayon umano ay dalawang beses nag iinspeksyon ang DOLE sa malalaking pagawaan lalo na sa mga inirereklamo sa kanila, bagamat humihingi si Laguesma ng sapat na panahon para matugunan ang mga isyu ng hanay ng mga manggagawa.
- Latest