Grupo ng mga doktor tutol sa pagluluwag sa face mask
MANILA, Philippines — Hindi pa umano panahon para luwagan ng pamahalaan ang pagsusuot ng face mask sa buong bansa dahil sa nananatili pa rin ang banta ng COVID-19, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP).
Ipinaliwanag ni PHAP President Dr. Jose De Grano, bagama’t nasa low-risk na ang mga ospital ay umaabot pa rin sa 2,000 hanggang 3,000 ang kaso ng COVID-19.
Hindi pa kasama dito ang mga nagti-test sa bahay gamit ang mga ‘self-test kit’ at hindi na nagpapa-RT-PCR test.
Naniniwala sila na sa pagluluwag sa face mask, maaaring magdulot ito ng pagtaas pa ng mga kaso ng COVID lalo na at mababa pa ang bilang ng nagpapa-booster shot. “Kahit nga po noon na ‘di pa voluntary yan, marami nang ‘di nagwe-wear ng mask.
Ngayon po malakas na ang loob kasi pinapayagan na sila. May posibilidad po na maging carrier sila at madala nila sa kanilang mga bahay itong impeksyon na ito, malaki po at pwedeng kumalat lalo,” giit ni De Grano.
Sang-ayon dito si Philippine College of Physicians Immediate Past President Dr. Maricar Limpin. Bukod sa posibilidad na tumaas ang mga kaso at mahirapan ang healthcare system, masyadong mababa pa umano ang vaccination rate sa bansa.
Samantala, nais naman ng OCTA Research Group na maglagay ang pamahalaan ng mga mekanismo na magiging hudyat na dapat ibalik ang mandatoryong pagsusuot ng face mask.
- Latest