3 patay kay ‘Florita’
MANILA, Philippines — Tatlo katao ang patay habang apat naman ang sugatan dahil sa pananalasa ng bagyong Florita, ayon sa Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Tinukoy ang mga nasawi na isang 63-anyos mula Cagayan province at 56-anyos mula sa Pinukpuk, Kalinga nang mabagsakan ng puno.
Bineberipika naman ang isa pang namatay na 32-anyos dahil naman sa pagkalunod sa Bato, Camarines Sur.
Lumilitaw din sa datos mula sa NDRRMC na umakyat na sa 11,953 pamilya o katumbas ng 47,169 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.
Umabot sa 10,355 na katao ang kinailangang ilikas. Nasa 6,623 sa kanila ang dinala sa mga evacuation centers, habang ang iba ay nakipisan pansamantala sa mga kaanak o kaibigan.
Nabatid naman na nasa 44 na kalsada at 14 na tulay ang napinsala rin ng bagyo.
Ayon sa NDRRMC, nakapaglaan na ng mahigit P4.8 million na halaga ng tulong ang DSWD at ang lokal na pamahalaan.
Pumalo naman sa mahigit P19 milyong halaga ang winasak sa sektor ng agrikultura ni Florita.
- Latest