Pasok sa klase, government offices sa NCR, 6 probinsiya suspindido - Palasyo
MANILA, Philippines — Nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng suspensiyon ng trabaho at klase sa lahat ng antas mula kahapon hanggang ngayon, ?Agosto 24 para sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at public schools sa National Capital Region, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales at Bataan dahil sa Severe Tropical Storm Florita.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, batay sa abiso ng Office of Civil Defense (OCD), makakaranas ng matinding pag-ulan sa mga nabanggit na lugar hanggang ngayong araw kaya inaprubahan ng Pangulo ang deklarasyon na suspensyon ng klase at trabaho sa gobyerno.
Inirerekomenda naman ng Malacañang sa mga private schools at pribadong opisina ang pagdedeklara rin ng suspensyon.
“Sa pribadong sektor, base ‘yun sa diskresyon ng employers, pero rekomendado na isuspendi na rin,” ani Cruz-Angeles.
Ayon sa PAGASA, si Florita na isa na ngayong severe tropical storm ay nag-landfall sa Maconacon, Isabela alas-?10:30 ng umaga kahapon.
Ang mata ng bagyo ay nasa coastal waters ng Maconacon, at patuloy ang pagkilos pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 110 km bawat oras at bugso na 150 km bawat oras.
Dulot nito, nakataas ang signal number 3 ng bagyo sa northern portion ng Ilocos Norte, southern portion ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, northeastern portion ng Isabela.
Signal number 2 naman sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, northern at eastern portion ng Nueva Vizcaya, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, northern portion ng Benguet, nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, at northern portion ng Aurora.
Signal number 1 sa Batanes, nalalabing bahagi ng Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Benguet, La Union, eastern portion ng Pangasinan, northeastern portion ng Tarlac, Nueva Ecija at nalalabing bahagi ng Aurora.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Florita ngayong umaga ng Miyerkules.
- Latest