180 pamilya inilikas kay ‘Florita’
MANILA, Philippines — Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na aabot sa 180 pamilya o 543 indibidwal ang pinalikas sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa Severe Tropical Storm Florita nitong Martes.
Batay sa situational report, sinabi ng NDRRMC na 110 pamilya o 391 indibidwal ang lumikas mula sa CAR, at 70 pamilya o 152 indibidwal ang mula sa Cagayan Valley.
Kanselado rin ang klase sa 162 lungsod at munisipalidad — 77 mula sa CAR, 58 mula sa Ilocos Region, 21 mula sa Cagayan Valley, at tig-tatlo mula sa Central Luzon at Bicol Region.
Suspendido rin ang trabaho sa 60 lungsod at munisipalidad, 58 sa mga ito ang mula sa Ilocos Region, at dalawa mula sa Cagayan Valley.
Naitala rin ng NDRRMC ang tatlong rain-induced landslides sa Ilocos Region at Bicol Region, at dalawang flooding incidents sa Ilocos Region.
Hindi naman madaraanan ang tatlong kalsada sa Bicol Region, at isang tulay sa Cagayan Valley.
Samantala, ilang domestic flights na naka-iskedyul para sa Martes, Agosto 23, ang kanselado, ayon sa Manila International Airport Authority.
- Latest