‘Sugar shortage’ dahil sa hoarding - Malacañang
MANILA, Philippines — Ang kakulangan umano ng supply ng asukal sa bansa ay ‘artificial’ lamang na dulot ng hoarding o pagtatago nito.
Sa inilabas na statement ng Office of the Press Secretary (OPS), ang malaking dami ng asukal na nadiskubre ng mga otoridad sa kanilang pag-iinspeksyon sa iba’t ibang bodega sa Luzon ay nagpatibay ng hinala ng Malakanyang na ang sugar shortage sa bansa ay dulot ng pagtatago ng sugar traders na gustong kumita ng malaki dahil sa biglang pagtaas sa presyo ng asukal.
Patuloy namang pinaigting ng gobyerno ang kampanya nila laban sa mga nagtatago at smuggling ng mga produktong agrikultural, kaya ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos na siyang namumuno sa Department of Agriculture, na bisitahin ng Customs ang mga bodega at tingnan ang inventory ng imported agricultural products para masiguro kung may hoarding.
Sinabi naman ng OPS na ang walang tigil na kampanya ng administrasyon para mapababa ang presyo ng mga asukal ay nagbunga ng positibong resulta.
Matatandaan na ang Bureau of Customs, Sugar Regulatory Administration (SRA), at agriculture department ay nagsagawa kamakailan ng inspeksyon sa mga bodega sa Deparo, Caloocan City; Balut, Tondo at San Nicolas sa Manila; Rosales, Pangasinan; San Fernando, Pampanga; Ibaan, Batangas, at Davao.
Sinundan pa ito ng inspeksyon sa Guiginto, Bulacan noong Sabado kung saan nadiskubre ang may 60,000 mga bag ng hinihinalang itinatagong asukal, gayundin sa warehouse sa T12 Polo Land, Ilang-Ilang street sa Barangay Tabang kung saan nadiskubre dito ang mga imported na asukal mula sa Thailand.
Nadiskubre Rin ng mga otoridad na ang import permit na ginamit para sa asukal mula sa Thailand ay para sa Sugar Order no. 3 na inisyu ng SRA noon pang Pebrero.
- Latest