Mga guro dapat, magpabakuna bago face to face classes - expert
MANILA, Philippines — Naniniwala ang infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na kailangan na may mandato sa mga guro para magpabakuna sila laban sa COVID-19 bago magbukas ang ‘face-to-face classes’ sa bansa sa Agosto 22.
“Isang bagay na gusto ko sana i-advocate, na sana ang mga guro naman, mga teachers will have a very high rate of immunization or vaccination. Kasi nakikita natin ngayon marami pang mga teachers ang hindi nagpapabakuna,” paalala ni Solante.
Para umano makalikha ng mataas na ‘wall of immunity’ sa mga paaralan, kailangan naman na magsilbing ehemplo ang mga guro at sumunod sa ‘vaccination program’ ng pamahalaan.
Marami umanong mga magulang ang nag-aalala sa kaligtasan ng kanilang mga batang anak lalo na kung hindi bakunado ang mga makakahalubilo sa mga paaralan.
“So importante, we need to mandate vaccination also sa mga teachers, not only for the children,” giit ni Solante.
Kailangan umano na magpalabas ng kautusan ang gobyerno para sa pagpapabakuna ng mga tauhan ng mga paaralan habang hinikayat din niya ang lahat ng mahigpit na pagsunod sa ‘minimum public health standards’ lalo na ang palagiang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at tamang bentilasyon ng mga silid-aralan.
- Latest