Isara Philippine borders vs monkeypox? 'Irrational 'yan,' sabi ng DOH
MANILA, Philippines — Walang katuturan pa raw ang mga panawagang isara ang mga borders ng Pilipinas mula sa ibang bansa sa gitna ng banta ng kinatatakutang monkeypox, bagay na namapasok na ng Pilipinas kamakailan.
Ito ang sabi ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Martes, matapos makumpirma ang monkeypox sa isang 31-anyos na Pilipinong nakapasok mula sa ibang bansa.
"I'd like to tell everyone of you, hindi po natin papalitan ang ating restrictions sa ngayon sa ating borders," ani Vergeire sa isang press briefing.
"Closing our borders when in fact we can only really confirm this virus kapag nakita mo na 'yung lesion, kapag nakapagpa-test na, is somehow irrational at this point."
Paliwanag ng opisyal ng DOH, World Health Organization na ang nagsabing "low to moderate" pa lang ang banta ng naturang virus. Bagama't nakamamatay, sinasabi ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention na "rarely fatal" lang ito.
Bukod pa riyan, iminungkahi raw ng WHO na hindi kailangang itigil ang kalakalan at mag-restrict ng borders.
Matatandaang nabatikos noon si dating DOH Secretary Francisco Duque III matapos tutulan ang suwestyong maagang pagpigil sa flights mula Tsina papasok ng Pilipinas noong nagsisimula pa lang ang COVID-19 bandang Enero 2020. Sa Tsina unang natukoy ang virus.
Una nang nagkaroon ng matinding epekto ang mahihigpit na lockdowns at travel bans sa Pilipinas sa ekonomiya ng bansa dulot ng pandemya, bagay na ngayon-ngayon pa lang talaga nakahihinga nang maluwag.
"Let me just emphasize, COVID-19 is different from the monkey[pox] virus," dagdag pa ni Vergeire kanina.
"Ang COVID-19 po, mas mabilis makapanghawa dahil 'yung droplet niya po maaring maipasa within this distance na meron ang isang tao. Compared sa monkeypox virus which is really through close contact."
Mayo pa lang ay tinututulan na ng National Task Force Against COVID-19 ang pagsasara ng borders ng Pilipinas dahil sa banta ng monkeypox.
Ano ba ang sintomas niyan?
Sa ngayon, ang kailangan lang gawin ay ang pagpapatindi ng surveillance efforts, alamin ang mga sintomas, at agad na mag-isolate oras na makaranas ng mga symptoms nito.
Ilan sa sinsabing symptoms ay ang:
- lagnat
- sakit ng ulo
- pananakit ng katawan at likod
- pamamaga ng kulani
- chills
- pagkapagod
- Respiratory symptoms (hal. sore throat, nasal congestion o ubo)
- rashes na mukhang tigyawat o lapnos at lumalabas sa mukha, loob ng bibig at iba pang bahagi ng katawan gaya ng kamay, paa, dibdib, ari at pwetan
"The rash goes through different stages before healing completely. The illness typically lasts 2-4 weeks," sabi ng US CDC.
Matatandaang nag-designate na ang DOH ng mga specific isolation facilities para sa mga potential monkeypox cases.
Ang naturang sakit ay unang lumabas sa mga tao noong 1970s sa Democratic Republic of Congo. Taong 2003 lang nagsimulang magkaroon ng outbreak nito sa labas ng Africa.
- Latest