DDR, posibleng matatag sa PBBM admin
MANILA, Philippines — Posibleng malikha ang Department of Disaster Resilience (DDR), isang ahensyang pangkalamidad sa ilalim ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman at 2nd District Albay Rep. Joey Salceda, pursigido siyang isulong ang panukalang gawing isang malaking ahensya ang DDR.
Ang paglikha sa DDR ay muling uminit matapos ang magnitude 7 na lindol na tumama sa ilang probinsya sa Luzon na naramdaman hanggang sa Metro Manila.
Sa Senado sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na isinusulong ng mga Senador ang paglikha ng higit na maliit na DDR at ilalagay sa ilalim ng ‘Office of the President’ basta mabisa itong makatutugon sa mga kalamidad at hindi tulad ng kasalukuyang sistema.
Ayon kay Salceda, wala namang problema kung maliit ang DDR basta taglay nito ang mahahalagang katangian na nakasaad sa dati niyang panukala. Una nang isinulong ng solon ang DDR noong 17th Congress at dalawang beses itong inaprubahan sa Kamara pero hindi nakapasa sa Senado kahit kabilang sa mga priority measures ni dating Pangulong Rodrigo Duterte
Si Salceda ay kilala bilang eksperto sa pangangasiwa sa hamon ng mga kalamidad na napatunayan na niya nang gobernador ito ng Albay at marami sa kanyang mga istratehiya ang ginaya na ng mga LGU.
- Latest